Singilin at panagutin ang inutil at pahirap na rehimeng Duterte para sa palpak na tugon sa pandemya

Sa Marso 17 ang unang taong anibersaryo nang ilagay ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine of lockdown dahil sa paglaganap ng COVID19. Ang lockdown ay ibinunsod ng kabiguan ng rehimen na pigilan ang local transmission dahil hindi ito agad nagpatupad ng travel ban sa mga bansa tulad ng China. Napilitang magpatupad sa bansa ng paghihigpit sa paggalaw ng mga tao sa Luzon habang umiral naman ang general community quarantine sa buong bansa.

Ang tugon ng rehimeng Duterte sa pandemya ay nagdulot ng napakalaking problema at krisis para sa milyon-milyong Pilipino.

Pinakamahabang lockdown at quarantine ang ipinatupad ng rehimen sa bansa, lalo na sa mga sentrong lungsod. Hanggang ngayon ay nasa General Community Quarantine ang ilang mayor na syudad, habang modified GCQ naman ang ibang bahagi ng bansa. May mga localized lockdown din sa ilang mga probinsya dulot ng patuloy na pagkalat ng COVID 19 at mga bagong variants nito. Tumagal ng isang taon ang quarantine dahil hindi naihanda ng gobyerno ang mga rekisitos para sa panunumbalik ng ekonomiya at paggalaw ng tao, kasama ang pagpapalakas ng public health care system, dagdag na opsital, dagdag na mga health workers, at ang pagpapatupad ng health protocols tulad ng mass testing at maayos na contact tracing.

Dahil sa pinahabang quarantine, nakaranas ang bansa ng pinakamalaking pagbagsak ng ekonomiya na umabot sa 9.5% ng GDP. Ibig sabihin ay lumiit ang ekonomiya sa panahon ng lockdown at pandemya. Sa panahong ito naganap ang pinakamaraming walang trabaho, aabot sa sa 27.3 milyon sa survey ng SWS habang 7.3 milyon naman ayon sa konserbatibong datos ng gobyerno.

Kulang na kulang ang ayuda na Social Amelioration para sa mahihirap, lalo na sa mga manggagawa at magsasaka, at kadalasan ay mabagal ang distribusyon. Ang Pilipinas din ang may pinakamaliit na ginastos para sa ayuda at stimulus sa buong Asya.

Sa pagragasa ng pandemya at krisis sa ekonomiya, naitala ang pinakamalaking utang ng bansa, aabot sa mahigit P10 trilyon sa 2020 at inaasahang lolobo sa P12 trilyon sa 2021. Sa kabila ng napakalaking utang, tanong ng marami ay bakit ang bagal ng dating ng bakuna at bakit wala pa ring ayuda sa maraming apektadon sektor?

Pinakamatagal din na sarado ang mga paaralan sa Pilipinas ayon sa UNICEF. Hirap na hirap ang mga estudyante at magulang sa tipo ng distance learning na ipinatupad ng DepEd dahil sa kakulangan ng kagamitan, internet at pagsasanay. Sinasabing 4 sa 10 estudyante ang walang gamit o device para sa distance learning. Hindi ginawa ng DepEd at gobyernong Duterte ang mga rekisitos para sa ligtas na face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang insidente ng COVID-19. Hindi rin ginawang akma ng DepEd ang academic load at requirements sa panahon ng pandemya. Malaki ang banta na maraming estudyante ang mapag-iiwanan o hindi matututo sa ilalim ng sistemang umiiral.

Pinaka-militarized lockdown ang umiral sa Pilipinas. Ang pandemic response ay nakabatay sa pananakot at pagkontrol ng galaw ng tao. Ipinaubaya ito sa mga heneral sa halip na mga eksperto sa kalusugan. Sumandig sa pasismo ang gobyerno. Kaliwa’t kanan ang pag-aresto habang libreng lumalabag ng quarantine protocols ang matataas na opisyal.

Pinaka-kulelat din tayo pagdating ng bakuna. Nagsimula ang pagbabakuna sa mga kapitbahay nating bansa pero tayo ay umaasa pa rin sa donations na bakuna dahil wala pa ring supply contract na napirmahan ang gobyerno para sa delivery ng vaccines. Ang dumating na bakunang Sinovac mula China ay donasyon ng gobyerno ng China para hindi magmukhang kulelat ang Pilipinas. Pero nasaan na ang bilyong piso na nailaan dapat sa pagbili ng bakuna? Bakit inuuna ang bakuna na mas mababa ang efficacy rate kumpara sa iba? Bakit tayo kulelat samantalang nangako si Duterte na sa Disyembre 2020 ay may bakuna na?

Bakit sa panahon ng pandemya ay una pang inatupag ni Duterte ang pagsasara ng ABS-CBN, ang pagpasa ng terror law, ang pagpatay at pag-aresto sa mga aktibista, kritiko at ordinaryong mamamayan? Bakit nauunang nabakunahan ang mga “VIP” sa halip na mga health workers?

At sa lagay na ito, nagbabakasyon lang daw tayo ayon kay Harry Roque?

Ang lahat ng ito mga kababayan ay patunay sa palpak at inutil na tugon ng kasalukuyang gobyerno sa pandemya at krisis sa ekonomiya. Kaya tayo ngayon nasa kalunos-lunos na sitwasyon, kaya forever GCQ, at wala pa ring bakuna, ay dahil sa palpak na pumumuno. Puro yabang, pagmumura at pambobola, sa halip na malinaw at komprehensibong plano.

Nananawagan kami sa lahat ng nawalan ng trabaho, sa mga namatayan dahil sa COVID, sa mga nahirapan sa pagpapa-ospital, sa mga nagutom, sa mga naghirap, sa mga na-stranded, sa mga nabaon sa utang, nawalan ng negosyo, nasira ang kabuhayan, sa lahat ng sawang-sawa na sa palpak at inutil na pamamalakad, at magprotesta tayo sa Marso 17 at panagutin ang mga bulok na namumuno sa ating bansa. Huwag tayong pumayag na manatiling hikahos ang ating bayan. At lalong huwag tayong pumayag na walang mananagot sa paghihirap at dusa na sinapit natin sa panahon ng pandemya.#

[Featured photo taken from ABSCBN News]

Join BAYAN on Telegram


0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *