May be an image of one or more people, people standing and outdoors

Kaisa ang Bayan sa iba’t ibang grupo na magsasagawa ng mga pagkilos at paggunita sa araw ng Pebrero 25, anibersaryo ng pag-aalsang EDSA na nagpatalsik sa diktadurang Marcos. Matapos ang 37 taon ay nakabalik na sa Malacanang ang mga Marcos at desididong baguhin ang kasaysayan para burahin ang madugong rekord ng diktadura. Patuloy ang pagtanggi ng mga Marcos sa anumang pananagutan sa malawakang pagnanakaw at mga paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng diktadura. Malamang ay walang pahayag o paggunita ang Malacanang para sa anibersaryo ng EDSA.

Mas malala, patuloy din ang maling pamamalakad sa kasalukuyang gobyerno na makikita sa tumitinding krisis sa ekonomiya, nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pantao, kawalan ng pananagutan sa mga nagdaang mga paglabag sa karapatang pantao ni Duterte, pagwawaldas sa pera ng bayan, at pagyuko sa mga dayuhan. Itinutulak pa ngayon ang charter change para makapanatili sa pwesto ang mga kasalukuyang nasa poder. Parang mauulit na naman ang masaklap na dinanas ng bansa sa ikalawang rehimeng Marcos.

Malinaw ang aming panawagan:
Ibalik ang nakaw na yaman ng mga Marcos.
Hustisya para sa mga biktima ng diktadurang Marcos!
Hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Itigil ang pagwawaldas sa pera ng bayan, at harapin ang krisis pang-ekonomiya ng bansa.
Ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Hindi maaring imarka ang EDSA sa pamamagitan ng nakabibinging katahimikan ng mga nasa kapangyarihan. Marapat lang may magprotesta, may magpahayag, may magtanghal at may kumilos sa iba’t ibang paraan ang mamamayan.

Categories: Statements

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *