Matagal na dapat na naresolba ng gobyerno ang usapin ng krisis sa ekonomiya at pandemya kung sineryoso lqng nito ang mga hakbang para tiyakin ang kalusugan ng mamamayan at kung naglaan ito ng sapat na ayuda sa mga nangangailangan.
Ang napakahabang GCQ ay resulta ng palpak na pandemic response ng rehimen na kinatampukan ng militarized lockdown, kakulangan ng mass testing, nagpapatuloy na limitasyon ng health care system, at napakabagal na pagkuha ng bakuna. Bukod pa ito sa mga alegasyon ng kurapsyon sa mga supply contracts na pinapasok ng rehimen. Kasama din sa kaso ng kurapsyon ang mga iligal na pag-aangkat at paggamit ng di-aprubadong vaccine mula China para sa mga opisyal ng rehimen.
Pinahaba ang GCQ, kahit mawasak ang kabuhayan ng mamamayan, dahil sa tingin ng gobyerno ay hindi pa rin kaya ng sistemang pangkalusugan ang posibleng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Matapos ang isang taon, sa bigat ng krisis sa ekonomiya sa gitna ng pandemya, ay tinutulak na ngayon ang pagbubukas ng ekonomiya at pagluwag ng mga restriksyon sa paggalaw ng tao sa ilalim ng MGQC para sa buong bansa. Inaasahang magaganap ito simula Marso 1.
Kapag nilagay na sa MGQC ang buong bansa, patuloy nating ipanawagan ang mga sumusunod:
1. Palakasin ang health care system ng bansa para harapin ang pandemya. Palawakin pa ang libreng mass testing at gawing masinsin ang contact tracing. Dagdagan ang mga health workers at bigyan sila ng tamang kompensasyon. Tiyakin ang libre at epektibong bakuna para sa populasyon.
2. Tiyakin ang kaligtasan sa mga lugar ng trabaho at sa pampublikong transportasyon. Siguraduhin ang compliance ng mga workplace sa minimum health standards para sa pandemya.
3. Magbigay ng ayuda para sa mga pinakamahihirap at walang trabaho na patuloy na dumaranas ng bigat ng krisis. Bigyan ng atensyon ang mga tinamaan ng magkakasunod ng sakuna noong huling bahagi ng 2020.
4. Ihanda ang mga rekisitos para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan sa mga lugar na mababa ang insidente ng COVID 19. Magbigay ng malinaw na plano para masimulan ang limited face to face classes at malunasan ang mga problema ng distance learning.
5. Maglunsad ng demokratiko at siyentipikong kampanya sa hanay ng mamamayan kaugnay ng pandemya. Iwaksi ang militaristang tunguhin ng pandemic response. Ibigay sa mga health experts sa halip na mga heneral ang pamumuno sa pandemic response.
Sa darating na Marso 15 ay madiin na singiln ang rehimeng Duterte sa isang taon ng palpak, mapanupil at mapaminsalang pandemic response na hindi lumutas sa pagkalat ng COVID-19 at ang lubog pa sa ekonomiya sa walang kaparis na krisis. #
[Image from Interaksyon.com]
0 Comments