News and UpdatesPress ReleaseResourcesStatements

Laban bayan! Ipagtanggol ang karapatan! Biguin ang diktadura

Lubhang mapanganib ang maging Pilipino ngayon, lalung-lalo na kung ikaw ay mahirap lang. Laganap ang mga pagpatay at panggigipit. Bawal na rin ang magkaroon ng kritikal na pag-iisip sa mga panahong ito.

Dumaranas ng walang-kaparis na krisis ang karapatang pantao sa Pilipinas. Tila binabalot ng dilim ang bansa dahil sa kaliwa’t kanang pagyurak sa karapatan at kalayaan ng mamamayan. Sumisikip ang espasyo para magpahayag at mag-organisa. Ang mga kritiko ng gobyerno ay sinasampahan ng gawa-gawang kaso at inaaresto. Ang mga naghahangad ng pagbabago ay itinuturing na kriminal. Ang pagtutol sa mga maling patakaran ng gobyerno ay tinuturing na isang kasalanan.

Saan pa nga ba tutungo ang lahat ng ito kundi sa diktadura ng mga naghahari-harian? Ano ba ang silbi ng pagpapatahimik sa mamamayan kundi ang tiyakin na sila ay maging masunurin sa bawat utos ng Poon sa Malacañang? Para saan nga ba ang panunupil kundi para ihawan ang daan para sa mga mapagsamantalang dayuhan, malalaking negosyante at mga malalaking panginoong maylupa?

Ngayong Disyembre 10, ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, walang masayang selebrasyon para sa bayang nagluluksa. Tanging sama-samang paglaban ang marapat na panghawakan.

Krisis sa karapatang pantao

Nasa ikatlong taon na ang “Drug War” ni Duterte at sa kabila ng libu-libong pinapatay, hindi pa rin nalulutas ang problema sa paglaganap ng iligal na droga. Hindi pa rin nabubuwag ang mga malalaking sindikato. Masahol pa, nalantad din na ang mga nangangasiwa ng gera kontra droga, ang hepe ng PNP na si Oscar Albayalde ay sangkot sa kaso ng mga “ninja cops”. Akala ni Duterte na pwedeng ibaling ang sisi kay Vice President Robredo na kritiko ng “drug war” sa pamamagitan ng pagbigay sa kanya ng namumunong pusisyon. Pero mukhang nabaligtad ang mesa nang tinanggap ni Robredo ang alok na pusisyon. At ngayon, sinibak na siya sa pwesto sa takot ng Malacañang na marami siyang malalaman at ibubunyag sa madugo ngunit pekeng gera kontra droga.

Nitong Oktubre-Nobyembre naman naganap ang sunud-sunod na raid sa mga opisina at bahay ng mga aktibista sa Negros at Manila. Ang mga progresibong nakikipaglaban para sa karapatan at kagalingan ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan ay pinaparatangan na mga kriminal, at sinasampahan ng gawa-gawang kaso para sila ay busalan. Palibhasa ay ito ang kabuuang tunguhin ng rehimeng Duterte ngayon, ang patahimikin at ikulong ang mga kritiko ng kanyang mga baluktot, kontra-mamamayan at tutang pamahalaan. Pati mga alagad ng media, taong-simbahan, mga abogado, human rights workers at iba pang naninindigan sa tama ay pawang kinakasuhan.

Ang mga pinakamatitinding paglabag sa karapatang pantao ay nagaganap sa mga lugar na may militarisasyon o umiiral ang Martial Law. Ginagamit ng rehimeng Duterte ang Executive Order 70 at Memorandum Order 32 para bigyang katwiran ang malawakang militarisasyon sa bansa, pagkontrol ng militar sa mga ahensyang sibilyan, at paglulunsad ng mga operasyong lumalabag sa karapatang pantao ng ordinaryong mamamayan. Pinaka-bulnerable ang mga magsasaka at mga katutubo na pinapatay, sapilitang pinapalikas sa kanilang tahanan, at pinupwersang “sumuko” bilang mga NPA kahit sila naman ay mga sibilyan.

Sistematiko at malawakang paninira naman ang ginagawa ng gobyerno sa mga kritiko nito, para lang palabasin na sila ay mga kriminal at terorista. Pati nga mga aid organizations, mga simbahan, samahang abogado at iba pang NGOs ay pinaparatangan na rin na mga diumano “communist-terrorist” para lamang pigilan sila sa kanilang tungkulin.

Pati mga kabataan at mga guro ay inaakusahang “recruiter” diumano ng NPA, tuwing sila ay magpo-protesta laban sa katiwalian at kamalian sa pamamalakad. Pati ang pagiging aktibista ay inaatake ng rehimen. Tila sinasabi na bawal na ang kritikal na pag-iisip at bawal na ang kalayaang pang-akademiko na magtuturo ng realidad ng Pilipinas. Ang lahat ng ito ay itinuturing na banta sa gobyerno.

Pero kahit sa kampanyang counter-insurgency ay mabibigo si Duterte dahil hindi naman totoong nilulutas nila ang mga ugat ng rebelyon sa bansa, ang kahirapan at inhustisya na dinaranas ng maraming mamamayan.

Kung titignan nang buo, inaatake ng rehimen ang makatwirang paglaban ng mamamayan. Hindi lang isang sektor ang apektado at nais patahimikin. Hindi lang mga aktibista at kritiko ang nais patahimikin. Lahat ay nais nilang sumunod sa kanilang dikta. Kasama ang mga manggagawang lumalaban sa kontraktwalisasyon, mga guro na nais ay dagdag-sahod, mga magsasakang apektado ng mababang presyo ng palay, mga maralitang lumalaban para sa hanapbuhay at pabahay, ang mga kabataang lumalaban para sa karapatan sa edukasyon at ang mamamayang lumalaban para sa pambansang soberanya. Kapag nagtagumpay ang gobyernong Duterte, mananaig muli ang pasistang diktadura sa ating bayan, tulad sa panahon ng diktadurang Marcos. Maglalaho ang anumang kalayaang sibil at demokratikong kalayaan na ipinaglaban ng mamamayan at magdiriwang ang mga mapang-api at mapagsamantalang naghaharing-uri.

Kaya sa usapin ng karapatang pantao at paglaban sa diktadura, kailangang magsama-sama tayo, ang mamamayan. Kailangang tumindig at sama-samang lumaban. Mukha lang malakas sa umpisa ang berdugong rehimen pero sa kaibuturan, mahina ito at takot sa lakas ng taong bayan. Hindi krimen ang tumindig para sa kaparatang pantao, kalayaan at demokrasya. Sa panahon ngayon, tungkulin nating lahat na depensahan ang batayang karapatang pantao laban sa mga nagnanais supilin ito para sa kanilang makasariling interes. Hindi laging hari ang dilim. May hangganan ang lahat ng pang-aabuso. May araw ng pananagutan.

Laban, bayan! Huwag pasupil. Biguin ang pasistang diktadura!

December 10, 2019
3PM Liwasang Bonifacio
5:30PM Martsa patungong Mendiola

Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)
KARAPATAN

Maaaring i-download ang printable copy sa pamamagitan ng link na ito: