Pambansang Kalagayan sa ikalawang taon ng papet na rehimeng US-Marcos

Hulyo 2024

Magaganap ang ika-3 SONA ni Marcos Jr sa darating na Hulyo 22, 2024. Sa loob ng dalawang taong panunungkulan, nahaharap sa ibayong krisis ang lipunang Pilipino sa ilalim ng papet, pasista, terorista, pahirap at kurap na rehimeng US-Marcos II. Ang tutang rehimen ay dinadala ang bansa papalapit sa gera dahil sa patuloy na pagpapagamit sa Pilipinas bilang base ng imperyalistang US sa pang-uupat ng away nito sa China. Pinalawak ang presensyang militar ng US sa buong bansa, sa pamamagitan ng VFA at ng EDCA at ginagawang pambala sa kanyon ang mga Pilipino sa inter-imperyalistang tunggalian ng US sa China. Ginagamit ng US ang lehitimong usapin ng Pilipinas laban sa China sa West Philippine Sea (WPS) upang bigyang katwiran ang panghihimasok militar nito sa bansa at rehiyon anupa’t gawing sunod-sunuran ang Pilipinas sa patakarang panlabas nito. Samantala, nagpapatuloy ang mga agresibong aksyon ng China sa WPS sa panghaharang nito sa mga sasakyang Pilipino at bantang pag-aresto sa mga pumapasok sa karagatan na inaangkin ng China. Sa halip na magpursige sa diplomatiko at mapayapang resolusyon sa sigalot na ito, si Marcos ay nakatuon sa pagpapaypay ng tensyon sa rehiyon, alinsunod sa kagustuhan ng US.

May be an image of 3 people, crowd and text

Walang makabuluhang pagbabago sa kalagayang pang-ekonomiya ng malakolonyal at malapyudal na sistema dahil nagpapatuloy ang pagpapataw ng mga neoliberal na patakaran. Lumalaki ang bilang ng mga walang trabaho at nagugutom habang patuloy na lubog ang bansa sa nakalululang P15 trilyong utang.

Ang pangakong murang bigas ang ngayo’y simbolo ng kahungkagan ng rehimeng Marcos. At dahil hindi makamit ang P20/kilo bigas, pilit na niluluwagan ang importasyon ng bigas kahit na magdulot ito ng pagkawasak ng kabuhayan ng mga magsasaka at tuluyang pagkasira ng agrikultura sa bansa. Ang Pilipinas, isang bansang agrikultural, ang pinakamalaking taga-angkat ng bigas sa mundo ngayon. Lubhang pabigat ang liberalisasyon ng agrikultura para sa mga magsasakang lubog sa krisis ng malakolonyal at malapyudal na ekonomiya, idagdag pa ang krisis na dulot ng nagdaang El Niño na sumira sa maraming sakahan at sa banta naman ng parating na La Niña.

Patuloy ang kawalan ng disenteng trabaho, walang makabuluhang dagdag-sahod at nananatili ang talamak na kontraktwalisasyon sa ilalim ni Marcos Jr. Kakarampot at insulto ang pinakahuling P35.00 umento sa sahod sa NCR. Nananatiling isa sa pinakamakapanganib na lugar sa mundo para sa mga manggagawa ang Pilipinas bunga ng mga atake sa mga lider manggagawa at sa karapatang mag-unyon. Walang puknat ang pagtaas ng singil sa kuryente, presyo ng petrolyo, pamasahe at iba pang bayarin. Ang pagpipilit ng rehimen na ipatupad ang pabor sa dayuhan at malalaking negosyong Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay sisira sa kabuhayan ng mga tsuper at operator habang magpapalala sa krisis sa transportasyon sa bansa.

Nagpapatuloy ang pasistang terorismo ng estado lalo na sa kanayunan Sa ika-apat na taon ng pagpapatupad ng Anti-Terror Law (ATL), dumarami ang bilang ng mga sinasampahan ng gawa-gawang kaso ng terorismo at pagpopondo ng terorismo kasama ang arbitraryong “terrorist designation”. Ginagamit ang ATL bilang instrumento ng panunupil at puting lagim, habang patuloy ang malawakang militarisasyon, pambobomba, sapilitang pagpapalikas, sapilitang pagkawala at extrajudicial killings sa mga komunidad sa kanayunan. Pinanatili ng rehimeng US-Marcos II ang mga rebolusyonaryong grupo ng CPP, NPA at NDFP sa listahan ng mga “designated terrorists”, bagay na lalong nagpapalabo at sumasagka sa anumang makabuluhang usapang pangkapayapaan. Ang pekeng “amnesty proclamation” ni Marcos, na kinundena at itinakwil ng CPP/NPA at ginagamit lamang para sa pagpapasuko ng mga rebolusyonaryo, ay bigo dahil napakaliit na bilang ang pumaloob dito bunga pa ng pananakot at pamemwersa.

Pinagtatakapan ni Marcos Jr. ang krisis gamit ang mga pakulo tulad ng “Bagong Pilipinas” na may layong buhayin ang mabahong legasiya ng pasistang diktadurang Marcos at linlangin ang mamamayan hinggil sa “pagbabago” sa ilalim ng panunungkulan ng anak ng diktador.

Sa loob lamang ng 2 taon ay nakita na ang pagguho ng alyansang Marcos-Duterte at ang pag-igting ng banggaan ng dalawang pinakaimbing paksyon ng naghaharing uri. Ang paksyong Duterte ay nagpapakana ng destablisasyon laban sa rehimeng Marcos Jr. sukdulang mapatalsik ang huli para hindi mapanagot sa kanyang mga krimen. Si Marcos Jr. at mga kakampi nito ay desididong tanggalan ng poder ang mga Duterte at nagtutulak na mailabas na ang arrest warrant mula sa ICC habang pinapaypayan ang imbestigasyon sa mga krimen ni Duterte kasama ang “drug war” at kurapsyon tulad ng Pharmally scam. Sa likod ng mga paksyong nagbabangayan ay ang imperyalistang US at China na kapwa sumusuporta sa kani-kanilang manok. Inaasahang gagalaw ang suportang pampulitika at pinansyal mula sa mga imperyalistang kapangyarihang ito na naghahangad na manok nila ang magpatuloy o maluklok sa pwesto.

Inaasahan na lalong iigting ang bangayan ng dalawang reaksyunaryong paksyon sa pagpasok ng ikalawang hati ng 2024 hanggang sa eleksyong 2025 at pagkatapos. Maaari itong humantong sa marahas na komprontasyon kung isagawa ang isang coup o kaya ay kapag tinangkang arestuhin si Duterte sa mga krimen nito. Ang eleksyong 2025 ay pasilip sa maaaring maging hanayan at labanan sa eleksyong 2028 at sa pampulitikang hinaharap at kapit sa poder ng mga Marcos at Duterte.

Ang eleksyong 2025 ay isa ring mahalagang larangan ng labanang pampulitika sa pagitan ng mga pwersa ng reaksyon at mga progresibong pwersa. Nais ng mga reaksyunaryong paksyon na konsolidahin ang hawak nila sa poder at ihanda ang kanilang pwersa para sa labanan sa presidential elections sa 2028. Para sa mga progresibo, kailangang malinaw na ang reaksyunaryong halalan ay hindi magdudulot ng anumang makabuluhang pagbabago at lalo lamang magpapalalim sa krisis pampulitika sa bansa. Gayunpaman, lumalahok ang mga progresibo sa halalan upang maipalaganap ang programang pambansa demokratiko, makapagpalawak ng naoorganisa at napapakilos na masa, at makapagpanalo sa pinakamaraming mga progresibong kandidato upang mapalakas ang boses nila kahit sa loob ng mga reaksyunaryong institusyon. Inaasahang iinit pa lalo ang paghahanda sa eleksyong 2025 sa ikalawang hati ng taong ito.

Nananawagan ang Bayan sa lahat ng kaanib na organisasyon at balangay nito na ubos kayang pukawin, pakilusin at organisahin ang milyong mamamayan para sa pambansa demokratikong pakikibaka sa gitna ng umiigting na krisis ng naghaharing sistema at bulok at bangkaroteng pananungkulan ng rehimeng US-Marcos II. Isulong natin ang mga pakikibakang anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasista na may layuning palakasin ang organisadong paglaban ng mamamayan. Palaganapin natin ang pambansa demokratikong alternatibo sa bulok na naghaharing sistema, itakwil ang mga reaksyunaryong paksyon ng Marcos at Duterte, at palakasin ang kilusang masa para sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba. ###

Categories: Statements

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *