Tanong at Sagot sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)

Matapos ang pagbisita ni US Pres. Barack Obama sa Pilipinas noong April 28-29 2014, pinirmahan ang isang kasunduan para sa muling pagtatayo ng mga base militar ng Kano sa Pilipinas – ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA. Ngayong 2023 naman nakatakdang ipatupad nang buo ang kasunduang ito sa 5 “agreed locations” sa Pilipinas.

Ano nga ba ang kasunduang ito at bakit ito dapat tutulan ng lahat ng Pilipinong nagmamahal sa bayan at may pagpapahalaga sa kalayaan at soberanya ng ating bansa? Narito ang ilang bagay na dapat nating malaman.

Ano ang EDCA?

Ang EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement ay pinakabagong kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Estados Unidos at ng Pilipinas para sa pananatili ng dagdag na bilang ng mga sundalong Amerikano, pag-iimbak at pagpwesto (pre-positioning) ng mga kagamitang panggyera at pagtatayo ng kanilang mga base militar sa ating teritoryo.

Ayon sa EDCA, maaring magtayo ang US ng mga kampo at kaakibat na mga gusali’t pasilidad, mag-imbak ng mga armas, dumaong at serbisyuhan ang kanilang mga sasakyang pandigma, magtayo ng mga communications facilities, at maglunsad ng samu’t-saring mga aktibidad ang anumang bilang ng armadong pwersa ng US at mga contractors nila sa tinatawag na “agreed locations” (“pinagkaisahang lokasyon”) sa Pilipinas.

Kasama sa agreed locations ang mga base militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) pati na mga pampubliko at pribadong lupain. Basta’t hiniling ito ng US, obligado ang gobyerno ng Pilipinas na pahintulutan ang paggamit ng mga ito. Samakatuwid, sa ilalim ng EDCA, magiging isang malaking base militar ng Kano ang buong Pilipinas.

Sa ngayon ang mga agreed locations kung saan magtatayo ng pasilidad militar ng US ay ang mga sumusunod: Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airfield sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Airbase sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base sa Cebu.

Ano ang pinagkaiba ng EDCA sa mga dating kasunduang militar?

Matapos mapatalsik ang base militar ng Kano noong 1991 dulot ng pagbasura ng Senado sa 1947 RP-US Military Bases Agreement, nawalan ng ligal na batayan ang pananatili ng base militar ng Amerikano. Mula noo’y walang tigil ang US sa paghahanap ng paraan upang ibalik sa bansa ang kanilang mga tropa, armas at base militar.

Noong 1999, sa balangkas umano ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT), pinirmahan ang RP-US Visiting Forces Agreement (VFA) na nagpahintulot sa permanenteng pamamalagi ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas sa tabing ng walang tigil na “joint military exercises” at “rotation” o paghahalinhinan ng mga tropang militar. Sa bisa ng MDT at VFA, nakikisangkot pa sa combat at combat support operations ang dayuhang tropa laban sa sarili nating mamamayan. May naitayo na silang permanenteng kampo sa loob ng kampo ng AFP sa Zamboanga City.

Noong 2002 naman ay pinirmahan ang RP-US Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) na nagtiyak na ang kanilang mga pandigmang sasakyan – barko, eroplano, submarino, armoured personnel carrier, truck at kung ano pa – ay maseserbisyuhan sa ating mga daungan.
Subalit hindi pa rin ito sapat para sa US. Kakumbinasyon ng MDT, VFA at MLSA, kinukumpleto ng EDCA ang pagbabalik ng mga base militar ng Kano sa paraang mas malawak, mas pleksible, mas mura at walang taning.

Katulad ng mga nagdaang kasunduan, ang EDCA ay kasunduan sa pagitan ng imperyalistang US at kanyang tutang gobyerno sa Pilipinas na nagpapanatili ng malakolonyal na kaayusan (o ang di-tuwirang paghahari at dominasyon ng US) sa ating bansa.

Bakit gustong ibalik ng US ang kanilang mga base militar sa Pilipinas?

Bilang naghaharing imperyalistang bansa, kailangang panatilihin ng US ang kanyang dominasyon sa buong mundo upang ang kanyang mga monoplyo kapitalista ay higit pang makapagkamal ng yaman at kapangyarihan. Kayat matapos gerahin, sakupin at kontrolin ang Gitnang Silangan at Silangang Europa, pinupuntirya naman ng US ang rehiyong Asya-Pasipiko kung saan matatagpuan ang napakalawak na likas yaman, murang lakas paggawa, pinakamalaking merkado at mga ekonomiyang mapapagkakitaan ng kanilang labis na produkto at kapital.

Dahil dito, sinimulan na ng US ang pagpihit o “rebalancing” ng kanilang pwersang militar tungo sa Asya-Pasipiko (ang tinaguriang “US pivot to the Asia-Pacific”). Sari-saring mga areglo ang kanyang ginagawa sa Japan, South Korea, Singapore, Taiwan, Pilipinas at iba pa para mailatag ang kanyang pwersang pandigma sa buong rehiyon.

Sa pamamagitan ng malakas na presensyang militar, layunin ng US na protektahan at isulong ang kanyang mga negosyo, manghimasok sa ibang bansa para buksan ang mga merkado at pakinabangan ang likas yaman at murang lakas paggawa, at siyempre maibenta ang kanyang mga produkto kasama na ang mga armas at gamit pandigma.

Upang makamit ito, nais limitahan ng US ang lumalakas na impluwensya sa rehiyon ng China na nagbabadyang maging karibal ng US sa rehiyon at sa buong mundo.Ngunit pinapalalim din ng US ang kanyang pakikipagkalakalan at negosyo sa China, na isang ganap na kapitalistang bansa. Mahigit 500 kumpanyang US ang ngayo’y nagnenegosyo sa China. May utang pa ang US sa China sa halagang $1.3 trillion.

Paanong ibabalik ng EDCA ang mga base militar ng Kano sa buong bansa?

Ayon sa EDCA mismo, ang sumusunod na aktbidad ang maaring gawin sa mga agreed locations: “training; transit; support and related activities; refueling of aircraft; bunkering of vessels; temporary maintenance of vehicles, vessels and aircraft; temporary accommodation of personnel; communications; prepositioning of equipment, supplies and materiel; deploying forces and material; and such other activities as the Parties may agree.” (Art. III, par. 1)

Kasama sa maaring itayo ng mga sundalo at military contractors ng US ay ang “non-relocatable structures” at “(p)ermanent buildings constructed by US forces” (Art. IV, par. 4)

Ang mga tropang militar ng Kano ang may “exclusive use” ng mga nakaimbak na materyales sa mga base militar. (Art. IV, par. 4). Sila ang may “operational control” ng agreed locations (Art. III, par. 4) at binibigyan ng “unimpeded access” dito (Art. VI, par. 4). Samantala, ang mga Pilipinong opisyal ay bibigyan lamang ng simpleng “access“ pero ito dapat ay “consistent with operational safety and security requirements” na kailangan pagkasunduan ng magkabilang panig. (Art. III, par. 5).

Bilang dagdag na patunay kung kanino talaga ang mga baseng ito, ang mga gusali at iba pang itinayo ng US sa mga agreed locations ay mapapasakamay lang ng Pilipinas kapag hindi na ginagamit ng US at maaaring pabayaran pa nila sa atin (Art. V, par. 2).
Pati mga pribadong lugar sa labas ng mga agreed locations ay pwedeng gamitin ng mga sundalong Kano basta’t kanilang hiniling. Sa EDCA, obligado ang Pilipinas na aregluhin ang paggamit ng tropang Kano kahit ng mga daungan, kalsada at mga pasilidad ng lokal na pamahalaan o kahit pribadong mamamayan (Art. III, par. 2).

Bakit dehadong dehado ang Pilipinas at labag sa ating soberanya ang kasunduang ito?

Unang-una, libre ang pananatili ng mga Kano sa agreed locations. (Art. III, par. 3) Abonado pa ang Pilipinas sa pamamalagi nila sa ating bansa.

Pangalawa, wala silang babayarang buwis at kahalintulad na bayarin sa paggamit ng tubig, kuryente at iba pang public utilities (Art. VII). Ang matindi pa, papayagan silang mag-operate ng sariling telecommunications system at ginawang libre ang paggamit nila ng lahat ng radio spectrum na kailangan nila. Pambihira ito dahil napakamahal ng bayarin sa paggamit ng radio spectrum sa ating bansa at kailangan pa ng congressional franchise para magtayo at magpatakbo ng isang telecommunications system.

Pangatlo, hindi maaring idulog sa anumang lokal o internasyunal na korte o kapulungan ang mga usapin sa ilalim ng EDCA hanggat hindi sumasang-ayon ang magkabilang panig (Art. XI). Mas masahol pa ito sa VFA. Sa huli may mas malinaw na pagtatalaga ng saklaw o jurisdiction ng mga korte ng Pilipinas sa mga krimen laban sa isang mamamayan ng bansa. Sa ilalim ng EDCA hamak na mas madali nilang mailulusot ang mga katulad nina Lance Corporal Daniel Smith na nahatulang guilty sa paggahasa kay “Nicole”(isang Pilipina) pero pinatakas at hindi naparusahan.
Pang-apat, bagamat nakasaad na sampung (10) taon ang unang pagpapatupad ng EDCA, ito’y awtomatik na mare-renew hanggat hindi pinapatigil ng isang panig (Art. XII, par. 4) kung kaya’t ang epekto’y walang takdang taning ang EDCA.

Pang-lima, ang EDCA ay tinaguriang executive agreement lamang na tuwirang lalabag sa probisyon ng Konstitusyon na nagsasaad na lahat ng may kinalaman sa dayuhang base militar, tropa at pasilidad ay kailangang idaan sa Senado bilang tratado.
Anu-anong probisyon ng Konstitusyon ang tahasang nilalabag ng EDCA?

Probisyong nagbabawal sa mga dayuhang tropa at base militar sa ating bansa liban na lang kung nasa ilalim ng isang tratadong inaprubahan ng Senado at tinatratong tratado rin ng ibang bansa

Ang probisyon na nagbabawal sa armas nukleyar sa ating bansa. Isang bukas na lihim na ang mga warship, aircraft carrier, submarino, bombers at jetfighters ng Kano ay may armas nukleyar.

Ang probisyong nagtatakwil sa gera bilang pambansang patakaran.

Bakit labag sa interes ng masang Pilipino ang EDCA?

Layunin ng EDCA at pagbabalik ng base militar ng Kano ang palawakin ang dominasyon ng US sa rehiyon at patibayin ang bulok na sistemang nagpapayaman sa mga dayuhang monopolyo kapitalista at nagpapahirap sa masang Pilipino.

Kabilang sa mga patakarang neoliberal na itinutulak ng US ay ang pagsasapribado ng mga serbisyong pampubliko; pag-alis ng regulasyon sa tubo ng mga negosyo; pagbubukas ng ekonomiya sa labis na dayuhang produkto at kapital; at pag-amyenda ng Konstitusyon upang payagan ang dayuhang pagmamay-ari ng lupa at negosyong nakareserba sa mga Pilipino.
Ramdam na natin ang epekto ng mga patakarang ito. Ang pribatisasyon at deregulasyon ng MWSS, Meralco, NAPOCOR, Petron, MRT-3, NLEX at SLEX – sumisirit pataas ang presyo ng mga batayang serbisyo at kuamakamal ng limpak-limpak ang mga dayuhang korporasyon at mga lokal na burgesya komprador tulad ng mga Ayala, Lopez, Aboitiz, Cojuangco, Pangilinan atbp. Nais nilang gawin ito sa natitira pang serbisyo publiko – mga ospital, water district, paliparan, patubig at hi-way.

Ang liberalisasyon ng ekonomiya ay nagdulot ng pagkalugi ng maraming negosyong Pilipino dulot ng kumpetisyon mula sa dayuhang produkto at korporasyong transnasyunal. Dumami ang mga walang trabaho at pinatupad ang malawakang kontraktwalisasyon at pagbaba ng sahod.
Ang tumututol sa mga noliberal na patakaran sa ekonomiya at sa bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal (ibig sabihin, atrasado at pinaghaharian ng mga panginoong maylupa at burgesya komprador) ay tinataguriang kaaway, rebelde o terorista ng imperyalistang US at kanyang tutang rehimeng Aquino. Ginagamitan ng dahas at armadong panunupil ng AFP, sa direksyon at pakikipagtulungan ng US mismo, ang mga kilusan at indibidwal na lumalaban sa kanilang bulok na sistema.

Kung gayon, ang EDCA ay magiging lisensya para sa dagdag na presensya at direktang pakikialam ng mga tropang militar ng US sa pagsugpo ng mga kilusang makabayan at anti-imperyalista sa buong rehiyon. Magdudulot ito ng mas matinding militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao lalu na sa mga lugar kung saan may aktibong paglaban sa imperyalistang pandarambong (hal. mga minahan at proyektong para sa dayuhan at iilan).
Dagdag pa, ang presensya ng mga dayuhang tropa ay karaniwang nagdudulot ng prostitusyon at pang-aabusong sekswal, mga bisyo, krimen at pagkasira ng kalikasan dulot ng mga war games at mga nakalalasong gamit at kemikal sa pandigma.

May pakinabang ba ang Pilipinas sa EDCA?

Wala. Sa mismong kasunduan, ang pinapalabas na “pakinabang” ng Pilipinas, ay ang mga pinaglumaang gusali at ilang kagamitan na gustong ipaubaya ng US sa Pilipinas. Pero pwede pa rin nilang singilin ito kung nais nila.
Ang sinasabing “pakinabang” ng gobyernong Aquino– ang dagdag umanong kaalaman sa tuwing may joint training exercise, mga pinaglumaang gamit, armas at sasakyang pandigma; ang pagtamo di umanong “credible minimum defense posture” ng Pilipinas, at mga klasrum at medical mission na bahagi ng civic-military action ng sundalong Kano- ay hindi naman nasasaad sa mismong kasunduan

Samakatuwid, walang bagong nakuha ang Pilipinas sa kasunduang ito. Barya at mumo lang ang nakuha kapalit ng ating soberanya, seguridad, kalikasan, kalusugan at kasarinlan.

Makakatulong ba ito sa ating sigalot sa China sa West Philippine Sea?

Hindi. Wala saanman sa kasunduan ang usapin ng pagtulong ng US sa atin laban sa China. Ang layunin ng US ay pigilin ang China sa pagkontrol nito sa mga daluyan (trade routes) ng kalakal sa South China Sea. Wala sa hinagap nito na makipag-giyera sa China sa usapin ng Scarborough Shoal o Spratleys. Walang kasunduang nag-oobliga sa US na sumaklolo sa Pilipinas kapag pumutok ang sigalot sa loob ng Exclusive Economic Zone o Extended Continental Shelf ng Pilipinas. Kahit naman may ibang kasunduang militar ang Pilipinas sa US, hindi pa rin napigilan ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

Sa halip na makatulong, bakit makakasama pa ang EDCA sa ating seguridad?
Ang pagbabalik ng base militar ng Kano ang magbibigay daan upang ang Pilipinas ay maging lunsaran ng gera at panghihimasok ng US sa bansa at buong rehiyon. Tandaang ang US ang numero unong naghahasik ng gera at gulo sa maraming parte ng daigdig. Gagawin nitong magnet ang Pilipinas sa mga atake ng maraming kaaway – aktwal at potential – ng US. Bilang host ng mga baseng ito, malamang na makaladkad ang Pilipinas sa mga gera at sigalot na wala naman tayong kinalaman.

Lalakas din ang panghihimasok ng US sa internal na usapin ng bansa sa ngalan ng counter-insurgency. Lalahok ang mga tropang Kano sa iba’t ibang operasyong militar sa buong bansa. Dagdag na balakid ang dayuuhang interbensyon sa usapang pangkapayapaan at sa interes ng mamamayan na makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Bukod pa rito, maraming mga barko, submarino at eroplanong dadaong sa mga “agreed locations” ay tiyak na may armas nukleyar (opisyal na patakaran ng US na huwag ikumpirma o itanggi ito) at toxic wastes. Ito’y magdudulot din ng banta sa ating kalusugan at seguridad.

Ano ang dapat gawin para labanan ang EDCA at pagbabalik ng mga base militar ng Kano?

Mag-aral at magsuri sa isyu ng EDCA at pagbabalik ng base militar ng Kano. Maglunsad ng mga talakayan at pag-aaral hinggil sa kasaysayan ng base militar, ng imperyalistang panghihimasok at pandarambong ng US sa Pilipinas at kung bakit kailangang patuloy na ipaglaban ang pambansang soberanya at kasarinlan.
Magkaisa at mag-organisa. Magbuo ng mga pormal o di-pormal na grupong may paninindigan laban sa EDCA at pagbabalik ng base militar ng Kano. Maglunsad ng iba’t ibang porma ng propaganda para ipalaganap ang ating paninindigan. Gamitin ang social media para makaabot ng mas marami pang kababayan online.

Kumilos at lumaban. Huwag payagan ang pagpapatupad ng EDCA.
Sumama sa mga pagkilos para tutulan ang panghihimasok at pagbabalik ng mga tropang militar ng Kano sa Pilipinas.

Bagong Alyansang Makabayan
Enero 2023


0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *