EDSA 37: Marcos Jr. – inutil, pahirap, waldas, tuta, pasista!
Tuloy ang laban para sa hustisya, kabuhayan, kalayaan, at demokrasya!
Malaking kabalintunaan na ngayong ika-37 taon ng pag-aalsang EDSA, ang pangulo ng bansa ay anak mismo ng diktador na si Ferdinand E. Marcos Sr, na pinatalsik sa poder ng mamamayan noong Pebrero 1986. Hindi pinanagot ang pamilya Marcos sa kanilang mga krimen sa mahigit 13 taon ng batas militar at tiranyang Marcos – ang pandarambong sa kaban ng bayan, pagmonopolisa at pang-aabuso sa kapangyarihan, lansakang paglabag sa karapatang pantao, at pagpapakatuta sa imperyalismong US. Hindi nabawi ang lahat ng kanilang ninakaw na yaman. At hindi ipinagbawal na tumakbo sa anumang pusisyon sa pamahalaan ang asawa at mga anak ng diktador, na siyang mga pampulitikang tagapagmana nito.
Sa kabila ng pagbagsak ng pasistang Diktadurang US-Marcos, ipinagpatuloy ng mga sumunod na diumano’y mga demokratikong rehimen ang mga patakarang patuloy na nagpahirap sa nakararami at higit na nagpaigting sa walang patid na krisis ng lipunang Pilipino. Ang panunumbalik sa kapangyarihan ng mga Marcos ay patunay sa kabulukan at hindi nagbagong sistema na dominado ng burukrata kapitalismo, pyudalismo at imperyalismo. Mga litaw na manipestasyon ng tatlong batayang problemang ito ang mga kurakot, manloloko at mapanupil na mga naghaharing political dynasty sa bansa; mga despotikong malalaking panginoong maylupa; at dayuhang interes na nakakubabaw sa mga patakarang sosyo-ekonomiko, patakbo sa pulitika, at sa patakarang panlabas.
Sa nakalipas na walong buwan, naging manhid, ipokrito, at inutil si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtugon sa pang araw-araw na kalbaryo ng malawak na masa tulad ng nagtataasang presyo ng bilihin, sobrang babang sahod, kawalan ng disenteng trabaho, at papalubog na kabuhayan. Pinakahuli lamang na halimbawa ang karimarimarim at walang kahihiyan niyang panawagan sa tapat at maagap na pagbabayad ng buwis.Hindi pa nga nakakabawi mula sa militarisadong lockdown na ipinataw ng rehimeng Duterte bilang tugon sa Covid-19, ngayon naman ang kakarampot na kita ay nakakaltasan ng halaga dahil sa napakataas na tantos ng implasyon at pagbabayad sa mga naipong utang ng mga pamilyang Pilipino sa panahon ng pandemya. Binabandera ng rehimeng ito ang pag-ahon ng ekonomiya subalit panakip lamang ang retorikang ito sa malawak na kagutuman at pagkadusta na nakaugat sa malalim at pangmatagalang krisis ng isang lipunang malapyudal at malakolonyal.
Ang sagot ni Marcos Jr. ay palasak na panawagang magkaisa at palawakin ang neoliberal na patakaran ng kanyang mga sinundang administrasyon – mangutang sa dayuhan, importasyon sa halip na lokal na produksyon, at pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at imprastruktura. Dinagdagan ito ng paraan ng pamumunong halaw sa diktadura ng kanyang ama tulad ng madalas na byahe sa labas ng bansa upang magpaganda ng imahe; pagratsada sa isang “wealth fund” o ang tinatawag na Maharlika Investment Fund habang baon sa utang ang gobyerno, kwestyonable ang batayan at paggagamitan nito at di malayong mauwi sa pagkawaldas at abuso; at panukalang “Charter Change” na naman na sinusulong pangunahin para makapanatili sa poder ang dinastiyang Marcos at kanilang mga kaalyado sa pulitika anupa’t malubos ang dominasyon ng dayuhang monopolyo kapitalistang interes sa bansa.
Tulad ng administrasyon ng kanyang ama, at maging ng mga rehimeng humalili dito matapos ang pag-aalsang EDSA, itinutuon ni Marcos Jr. ang armadong pwersa ng estado upang atakihin at supilin ang makatwirang pakikipaglaban ng mamamayan sa pagsasamantala’t pang-aapi at para sa pambansa demokrasya. Patunay dito ang pagpapatuloy ng patakarang todo-gera sa halip na ibalik ang GRP-NDFP peace negotiations upang maresolba ang armadong tunggalian at makamit ang makatarungang kapayapaan; lalong pagpapalakas ng NTF-ELCAC bilang galamay ng teroristang estado sa pagsagasa sa mga kalayaang sibil at pampulitikang karapatan ng mamamayan; at pagbabalik sa pwesto at pinalawig pa ang papel ng mga berdugong heneral ni Rodrigo Duterte.
Tampok ang pinalaking interbensyong dayuhan sa pulitika at ekonomiya ng bansa kahit wala pang isang taon sa Malakanyang si Marcos Jr. Pangunahing sinuyo niya ang basbas at ayuda ng imperyalismong US para sa konsolidasyon ng kanyang kapangyarihan. Alam ni Marcos Jr. na susi ang US sa pagpapanatili ng suporta ng AFP at PNP sa kanyang rehimen. Alam din niya na ang mahalaga sa US ang magamit ang teritoryo ng Pilipinas para sa layunin nitong pigilan ang paglakas ng China bilang regional at global power at para may mga mistulang baseng militar sila na gagamitin para sa interbensyon at agresyong militar sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung kaya’t mabilis na pumayag ang rehimeng Marcos Jr. na paramihin ang mga tropang militar at de facto base militar ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, Visiting Forces Agreement, Mutual Defense Treaty at iba pang mga tagibang na kasunduan militar. Isusugal ni Marcos Jr. ang kapayapaan sa rehiyon at isasantabi ang pambansang interes na hindi masangkot sa mga gyera ng US, para lamang matiyak ang suporta ng imperyalismong amo sa kanyang rehimen. Ito’y habang naghahanap siya ng paraan para suyuin din ang China, iabante ang pang-ekonomyang interes nito sa bansa habang bahag ang buntot sa usapin ng maritime sovereign rights ng Pilipinas sa West PH Sea.
Totoong nakapanlulumo at nakakagalit: pinatalsik ng mamamayan ang mga Marcos sa kapangyarihan 37 taon na ang nakalipas at ngayo’y nakabalik sila upang lalong ilugmok ang bansa at mamamayan.
Ang anibersaryo ng EDSA ay nag-iiwan ng mahalagang aral. Ang mga usapin at problemang nagpakilos sa taumbayan laban sa Diktadurang US-Marcos noon ay siya pa ring mga batayang isyu at suliranin na nagtutulak sa atin na ipagpatuloy ang laban, ngayon naman sa rehimeng US-Marcos Jr. Malinaw na parehong salot na papet pasistang rehimen ang nakaluklok sa Malakanyang.
Ang pagbabalik ng pampulitikang dinastiyang Marcos sa pinakamataas ng poder ay malagim na paalala na walang maaasahang pundamental na pagbabago hangga’t walang tunay na demokrasya at kalayaan sa bansa.
Kaya tayo ay tumindig at kumilos sa anibersaryo ng pag-aalsang EDSA. Sama-sama nating ilantad at labanan ang rehimeng Marcos Jr. sa pagiging inutil, manhid, ipokrito, pahirap, tuta, at pasista. Singilin natin ang kabiguan ng rehimeng ito na tugunan ang mga problema ng karaniwang mamamayan at sa halip ay lalo pang pinalalala ang mga ito.
Kumilos tayo sa Pebrero 25 bitbit ang diwa at mga aral ng maningning na pakikibaka laban sa diktadura at nakatanaw sa kinabukasan na may disenteng pamumuhay, tunay na kalayaan at demokrasya at kapayapaang nakabatay sa hustisya.
Bagong Alyansang Makabayan
Pebrero, 2023
Maaari na pong i-download ang polyeto ng Bayan para sa darating na pagkilos sa Pebrero 25. Basahin at palaganapin! Click link: https://pdfhost.io/v/7hQdyGkD5_BAYAN_POLYETO_EDSA_FINAL
0 Comments