Renato M. Reyes, Jr.
President, Bagong Alayansang Makabayan (BAYAN)
Maalab na pagbati, mga kasama, mga kapatid.
Ngayong araw ang nakatakdang paggunita at pagpaparangal sa ating mga minamahal na bayani at martir sa nagdaang 50 taon. Sila ang di magdidilim na ginintuang tanglaw ng rebolusyong Pilipino. Lubos na nararapat at lubhang kinakailangan na ipahayag natin nang buong pagmamalaki ang kanilang kabayanihan at mga mabubuting nagawa para sa bayan. Nararapat at kinakailangan lalo pa ngayon na pinupulaan at dinudungisan ang kanilang alaala sa ngalan daw ng paglaban sa “terorismo”, na pinangungunahan naman ng mga promotor ng terorismo ng estado.
Photo by Carlo Manalansan/Bulatlat
May natatanging bigat ang araw na ito matapos ang anunsyo kamakailan ng pagkamatay ng mga rebolusyonaryong sina Benito Tiamzon at Wilma Austria- Tiamzon. Nagluluksa at puno ng indignasyon ang nakikibakang sambayanang Pilipino sampu ng mga tagasuporta ng kilusang pagbabago at usapang pangkapayapaan, sa ginawang makahayop na pag-trato sa kanila ng mga pasistang pwersa. Hindi katanggap-tanggap sa anumang sibilisadong lipunan ang pagmasaker sa mga hindi armado.
Mariin nating kinokondena ang ginawang pagpaslang sa mga Tiamzon at ang walong kasamahan nila. Gayundin, mariin natin kinokondena ang mga katulad na pagpaslang sa napakaraming mga rebolusyonaryo at aktibista na pinaratangan ding mga “terorista”. Hindi terorismo ang makibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. At hindi kailanman maaring bigyang katwiran ng paratang na “terorista” ang mga malulubhang paglabag sa karapatan ng mga rebolusyonaryo.
Tulad ng marami sa kanilang henerasyon, dito sa UP sumibol ang aktibismo nina Ka Benny at Ka Wilma, sa hanay ng kilusang estudyante. Napabilang silang dalawa sa SDK, habang si Ka Benny naman ay naging bahagi ng Philippine Collegian at Alpha Sigma. Pero di malaon ay sasanib sila sa kilusan ng mga manggagawa at magsasaka, at magiging bahagi ng mahabang paglaban para ibagsak ang pasistang diktadurang US-Marcos. Sila’y magiging nangungunang lider rebolusyonaryo, mga bilanggong pulitikal, at magiging bahagi ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Hanggang sa kanilang huling hininga, itinuring silang mga haligi ng rebolusyong Pilipino.
Paano nga ba uunawain ang buhay at sakripisyo ng mga tulad nina Benito at Wilma Tiamzon, o ng mga pioneers ng kilusan tulad nina Jose Ma. Sison, Antonio Zumel, Fidel Agcaoili, o ng mga icon ng rebolusyonaryong pakikibaka tulad nina Gregorio Rosal at Jorge Madlos? Bakit ba may mga Randall Echanis, Randy Malayao, Jo Lapira, Ericson Acosta at Kerima Tariman? Bakit ba ipinagluluksa ng masa, at tinuturing na simbigat ng Sierra Madre, ang bawat pagpanaw?
Upang maunawaan ang kanilang buhay at sakripisyo, marapat na unawain ang kanilang ipinaglaban. Ang nagaganap na gerang sibil sa bansa ay hindi lamang simpleng tagisan sa larangang militar. Malalim ang istorikal, pang-ekonomiya at pampulitikang batayan ng armadong tunggalian, at may hinahapag na klarong programa para sa pagbabago ang mga pwersang rebolusyonaryo.
Sabi nga ng CPP sa 50th anniversary message nito sa NDFP ngayong araw:
The 12-point program of the NDFP is a systematic expression of the Filipino people’s collective aspiration for national freedom and democracy. It is the most superior of all programs of political parties and organizations in the Philippines.
The NDFP program is the anti-thesis of the neoliberal, anti-Filipino and anti-democratic policies and programs of the ruling Marcos fascist and puppet regime, as well as all previous regimes whether pseudo-democratic or tyrannical. It represents the interests of workers, peasants and all other exploited and oppressed classes of Philippine society as well as all progressive and patriotic forces.
Katunayan, nabibigyan ang malawak na publiko ng ideya kung ano ang programang ito tuwing nagaganap ang usapang pangkapayapaan, kung saan tinatalakay ng NDFP ang mga usapin ng karapatang pantao at repormang sosyo-ekonomiko tulad ng reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, paglutas sa kahirapan, libreng serbisyong pangkalusugan, makabayan at makamasang kultura at pagkakamit ng demokrasya para sa nakararaming inaapi. Sa totoo lang, wala kaming nakikitang ugnayan sa “terorismo” sa mga panukalang ito. Malinaw na ang paratang na “terorismo” ay ginagamit lamang para pagtakpan ang mga problema ng lipunan at alisan ng pagiging lehitimo ang mga panawagan para sa pagbabago. Kaya nga pati mga di armadong aktibista na ipinaglalaban ang mga katulad na reporma, pinaparatangan na ring “terorista” at “kriminal” at marahas na sinusupil.
Ngayong gabi, kilalanin natin ang mga martir at bayani ng sambayanan, kung ano ang kanilang naging buhay at sakripisyo, at pinakamahalaga, kung ano ang kanilang ipinaglaban. Sa pamamagitan ng mga awit at liham, babalikan natin ang kwento ng kanilang buhay at kung paano nito sinasalamin ang bagong mundong nais nating likhain. Maiintindihan natin kung bakit ang pagkabuwal at pagpanaw ng mga lider ay hindi nangangahulugang pagkabuwal ng kilusan. Dahil ang kilusang ipinaglalaban ang makatarungang interes ng masa ay tunay ngang hindi magagapi, hindi matalo-talo.
Mga kasama mga kapatid, tumayo tayo, itaas ang tikom na kamao, at mag-alay ng pinakamataas na pagpupugay sa mga bayani at martir ng sambayanan. Sa kanilang alaaala, at sa ngalan ng masang api, tayo ay magpapatuloy.
Photo by Carlo Manalansan/Bulatlat
Mabuhay ang alaala ng mga martir at bayani ng bayan!
Mabuhay ang pambansa demokratikong kilusan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
0 Comments