HINGGIL SA KASUNDUAN NG PHILHEALTH, DBP AT PARTYLIST NG MGA ROMUALDEZ
Katulad din lang ng dati nang ginagawa ng Romualdez dynasty sa Eastern Visayas ang Memorandum of Agreement (MOA) ng Tingog Partylist sa Philhealth at Development Bank of the Philippines (DBP). Ginagamit ng dinastiyang Romualdez ang Tingog Partylist upang palakasin ang hawak sa pulitika ng Eastern Visayas, Ngayon naman, dahil sa MOA ng Tingog, palalakasin ang impluwensya ng pamilya sa buong Pilipinas. Habang ang inisyatiba na paunlarin ang paghatid ng healthcare sa kanayunan ay sinasabi nila na serbisyong publiko, ang higit na pakinabang ay ang pagkokonsolida ng pampulitika at pang-ekonomikong kapangyarihan ng pamilya Romualdez labas pa sa kanilang balwarte.
Ang pangakong pagpapaunlad ng healthcare sa mga erya na hindi masyadong naaabot ay matunog at malapit sa puso ng mamamayan. Sa pamamagitan ng MOA, pinadali ang paglaan ng pondo para sa pagpapaunlad ng mga healthcare facilities ng LGU sa ilalim ng mga programa ng PhilHealth at DBP. Ngunit kasabay nito, pinatibay ang papel ng pamilya Romualdez bilang “gatekeeper” o “taga-hawak ng susi” ng pondo para dito. Sa pagpapa-posisyon sa Tingog Partylist bilang daluyan ng pondo mula sa Philhealth at DBP, napapalakas ang impluwensya ng pamilya sa pagtakda kung saan at kanino ibinibigay ang pondo. Nililikha nito ang ibayong pagsalig sa mga Romualdez, na siyang nangyari sa Eastern Visayas kung saan nadomina nila ang pulitika, at nako-kontrol ang ekonomiya ng rehiyon.
Binibigyang-hugis at mukha ng MOA ng Tingog Partylist ang mga dinasitiyang pulitikal. Nakikita na ngayon ng mamamayan ang lantarang pagsusulong ng “patronage politics” at paggamit ng kapangyarihan upang kontrolin ang burukrasya habang pinapatakbo ang gobyerno bilang isang malaking negosyo. Saksi ang buong bayan sa kawalang kabusugan sa kapangyarihan, panunupil sa mamamayan, at pagkagahaman ng mga dinastiya habang lalo namang naghihirap ang sambayanan. Sumasang-ayon ang BAYAN sa panawagan na ipawalang-bisa ang MOA ng Tingog. Kailangan tuparin ng PhilHealth ang kanyang tungkulin sa pagbibigay ng healthcare nang hindi nagpapagamit sa mga burukrata kapitalista tulad ng dinastiyang Romualdez.
0 Comments