Pahayag ng Bayan para sa Mayo 1, 2023

Sa darating na Mayo Uno, muling magkakaisa ang iba’t ibang grupo upang ipanawagan ang makabuluhan at nakabubuhay na dagdag sahod sa buong bansa. Bunsod ito ng patuloy na paglala ng krisis sa ekonomiya, kabilang ang nagtataasang presyo ng bilihin at pagbulusok ng tunay na halaga ng sahod.

Hindi sapat ang sinasabing non-wage benefits na ipagkakaloob daw diumano ng Palasyo sa mga tao ngayong Abril 30. Di uubra ang pana-panahong sumusulpot na mga Kadiwa stores para maibsan ang napakataas na presyo ng pangunahing bilihin.

May be an image of 2 people and text

Aalis na naman si Marcos Jr ngayong Mayo papunta sa US at UK nang walang makabuluhang tugon sa hinaing ng manggagawa at mga kawani. Hanggang ngayon ay walang makabuluhang tugon ang rehimen sa mga batayang kahilingan ng ordinaryong mamamayan : itaas ang sahod, ibaba ang presyo.

Kaya’t nasa kamay ng manggagawa at mamamayan kung paano ipapagtagumpay ang mga kahilingang ito. Marapat na kumilos sa iba’t ibang larangan at iba’t ibang antas – mula pabrika, opisina at komunidad, mula regional wage boards at kongreso, hanggang sa mga lansangan, upang patuloy na idiin ang panawagan para sa makabuluhang dagdag sahod.

Marapat mabuo ang malapad na suporta para sa makatarungang panawagang ito. Usapin ito ng hustisyang panlipunan – na habang lumalaki ang yaman ng pinakamalalaking bilyonaryo sa bansa, ay patuloy ang pagdausdos ng kita ng ordinaryong mamamayan. Ang top 9 na pinakamayamang Pilipino ay mas malaki pa ang pinagsanib na yaman kumpara sa pinagsanib na yaman ng 55 milyong Pilipino. Ito ang mukha ng labis na hindi pagkakapantay-pantay na umiiral sq bansa ngayon. Kaya higit na makatarungan ang paglaban para sa umento sa sahod.

Dapat ding labanan ng manggagawa at mamamayan ang lahat nang tangka na supilin ang makatarungang paglaban na ito. Hindi terorismo ang makibaka para sa kabuhayan at karapatan. Hindi dapat nakikialam ang pulis at militar sa pagbubuo ng mga unyon. Hindi dapat ginigipit at tinatakot ang mga nais kumilos para sa pagbabago. Mariin nating kinokondena ang ginagawang pananakot at panunupil sa mga unyon ng mga manggagawa’t mga kawani. Ang paratang na “terorismo” ang paglaban para sa karapatan ay desperadong hakbang para pagtakpan ang lumalalang krisis sq bansa. Ayaw ng rehimeng Marcos na mamulat at sama-samang kumilos ang mamamayan.

Panghuli. tungkulin ng mga manggagawa at nakikibakang mamamayan na labanan ang nagpaptuloy na paglabag sa soberanya ng Pilipinas at pagkaladkad sa atin sa gera at hidwaan ng mga imperyalistang kapangyarihan. Ang rehimeng US- Marcos ay walang kahihiyang ibinukas ang Pilipinas sa dayuhang tropang militar at base militar. Walang kahihiyang pumapayag si Marcos na maging lunsaran tayo ng gera ng US sa rehiyon, bagay na taliwas sa ating pambansang interes. Nais ng US na gawing tungtungan ang Pilipinas para sa panghihimasok nito sa rehiyon. Sinasamantala ng US ang hidwaan natin sa China upang maisulong nito ang sarili nitong imperyalistang agenda. Hindi tayo dapat magpagamit sa US, tulad nang hindi tayo dapat magpa-apak sa China. Hangad natin ay kalayaan sa mga dayuhan at kapayapaan sa rehiyon.

Interes ng manggagawa at mamamayan na wakasan ang dayuhang paghahari sa Pilipinqs at pamamayagpag ng imperyalismo sa buong mundo. Ang imperyalismo o monopolyo kapitalismo ang sistemang nagpapahirap sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping sektor. Ito ang sistemang nagdudulot ng malawak na kahirapan, gera, pandarambong at pagkawasak ng klima at kapaligiran. Tungkulin ng manggagawang Pilipino na makipagkaisa sa manggagawa ng mundo para sa komon na makauring pakikibaka para wakasan ang paghahari ng imperyalismo, at iluwal qng sistemang may hustisyang panlipunan, demokrasayq at kapayapaan. ###

Categories: Statements

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *