Marapat na manindigan ang mga Pilipino kaisa ang mga Palestino
Oktubre 29, 2023
Mahal naming kababayan,
Isang napakalaking krimen laban sa sangkatauhan ang nagaganap ngayon sa Gaza, Palestine kung saan libo-libong Palestino – mga bata, matanda, mga health workers, mga journalists, mga karaniwang tao, buo-buong pamilya – ang dumaranas ng araw-araw na pambobomba mula sa Israel. Mahigit 8,000 Palestino na ang napatay, at mahigit 3,500 dito ay mga bata. Winasak ng mga bomba ng Israel ang mga kabahayan, eskwela, ospital, at lugar ng pagsamba ng mga Palestino. Pinutulan sila ng kuryente at tubig, maging ng internet at cellphone service, at di makapasok ang mga pagkain at mga pang-araw araw na pangangailangan dahil sa nagaganap na siege o pagkubkob sa Gaza.
Ang sigalot sa Palestine ay may malalim na ugat, at hindi lamang nagsimula noong Oktubre 7 sa pag-atake sa Israel ng Hamas at iba’t ibang grupo ng “Palestinian resistance”. May 75 taon nang nagaganap ang tunggalian sa pagitan ng Israel at Palestine.
Bago nagkaroon ng bansang Israel, ang Palestine ay nasa ilalim ng Ottoman Empire bago naging kolonya ng Britanya. Dito nabuhay magkakasama ang mga Muslim, Kristiyano at Hudyo. Nagsimula ang problema noong 1948, nang palayasin ng mga Zionista ang mga Palestino mula sa Palestine. Ang Zionism ay isang kilusan at kaisipan na naglalayong magtayo ng isang estado ng mga Hudyo. Para magawa ito, sistematiko at marahas na inagawan nila ng lupa ang mga Palestino. Nagsabwatan ang US at UK para maitayo ang estado ng Israel upang magkaroon ng magtataguyod sa interes ng imperyalismo sa rehiyon na tinawag na Middle East, lalo pa at malaki ang interes ng US at UK sa langis ng rehiyon.
Ang Gaza ay maliit na piraso ng kalupaan ng Palestine (hiwalay sa mas malaking bahagi na tinatawag na West Bank) na malapit sa dagat, napapaligiran ng pader, at mistulang malaking kulungan, kung saan kontrolado ng Israel ang lahat ng tao at bagay na maaaring pumasok at lumabas. Malupit ang ginawang pamamalakad ng Israel sa mga Palestino sa loob ng 75 taong okupasyon. Nagpatuloy ang pangangamkam ng lupain, pagpatay at pagkulong sa mga Palestino. Ito ang nagtulak sa mga Palestino para lumaban sa armado at di armadong paraan. Walang pinag-iba ito sa rebolusyong Pilipino na pinamunuan ng Katipunan laban sa kolonyalismong Espanyol, o pakikibaka nina Macario Sakay at Heneral Antonio Luna laban sa kolonyalismong Amerikano.
Sa halip na tugunan ang makatarungang hinaing ng mga Palestino na makabalik sa kanilang lupain, ibayong panunupil at pagmamalupit ang ginagawa ng Israel na suportado ng US. Tinatawag na “genocide”, o ang pag-ubos sa buong lahi, ang ginagawa ng Israel sa mga Palestino ngayon. Labag ito sa lahat ng internasyunal na panuntunan kaugnay ng batas ng gera. Lansakang paglabag ito sa karapatang pantao ng mga Palestino. Nagagawa ito ng Israel nang walang pananagutan dahil sa buong suporta ng US, UK at iba pang imperyalistang bansa.
May mga Pilipino na namatay bunga ng labanan noong Oktubre 7. Maaring may mga Pilipino din ang kasalukuyang bihag sa Gaza at hindi ligtas na mapalaya dahil sa tuloy-tuloy na pambobomba ng Israel. Lumalabas na rin sa mga imbestigasyon na marami sa mga Israeli na namatay noong Oktbure 7 ay dahil mismo sa ginawang walang-habas na pambobomba ng Israel sa sarili nitong mamamayan, habang nakikipaglaban sa Hamas.
Ang sigalot ngayon ay hindi lang sa pagitan ng Israel at Hamas, kundi sa pagitan ng Israel at lahat ng mamamayang Palestino. Sa harap ng dinanas nilang pang-aapi, makatarungan ang paglaban ng mga Palestino sa okupasyon. Walang makakapagbigay katwiran sa ginawa ng Israel na pambobomba at pagpatay ng mga bata at mga sibilyan. Hindi rin relihiyon ang ugat ng sigalot. Maraming Hudyo sa buong mundo, at maging mga mamamayan sa Israel, ang kontra sa nagaganap na pambobomba sa Gaza at okupasyon ng Palestine.
Labis na nakakabahala na ang gobyerno ng Pilipinas ay tumutulong sa paglipol ng mga Palestino. Ang Pilipinas ang ika-3 sa pinakamalaking mamimili ng armas mula sa Israel, na umabot sa mahigit 15 bilyong piso mula 2018-2022. Habang nagugutom at naghihirap ang mayorya ng mga Pilipino, bumili ang pamahalaan ng armas sa Israel na ginamit naman sa pagpatay sa mga Pilipino sa pekeng gera kontra droga at gera sa mga tinaguriang rebelde. Ang kinita ng Israel sa pagbenta ng armas sa Pilipinas ay ginamit naman para sa kolonyalistang okupasyon ng Palestine at walang habas na pagpatay sa mga Palestino. Nitong huli, hindi bumoto ang Pilipinas para sa ipinasang resolution sa United Nations kaugnay ng pagtigil ng karahasan sa Gaza dahil sa senyales din ng US.
Maraming pagkakatulad ang mga Pilipino at Palestino. Pareho tayong may kasaysayan ng paglaban sa kolonyalismo. Pareho tayong nagnanais ng maunlad na buhay na may kalayaan, demokrasya at kapayapaan. Pareho tayong lumalaban para sa karapatang pantao. Pero walang tunay na kapayapaan kung walang hustisya. Walang tunay na kalayaan at demokrasya kung may dayuhang kapangyarihan na naghahari sa bansa at nang-aapi sa mamamayan.
Bilang Pilipino, bilang taong nagmamalasakit sa kapwa, kailangan nating makialam at iparinig ang ating boses. Sa ating magkatulad na kasaysayan, at sa harap ng napakasahol na lansakang pagpatay na nagaganap ngayon, walang ibang marapat gawin ang mga Pilipino kundi makiisa sa mga Palestino. Kondenahin natin ang genocide sa mga Palestino. Ipanawagan natin ang pagtigil ng mga pambobomba sa Gaza at pagtarget sa mga sibilyan. Ipanawagan natin ang agarang pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza tulad ng pagkain at gamot para sa mga biktimang Palestino. Ipanawagan din natin ang ligtas na pagpapalaya sa mga Pilipino at sibilyang Israeli na maaaring nasa Gaza, gayudnin ang pagpapalaya lahat ng Palestino na nakakulong sa Israel hanggang ngayon. Kailangang itulak ang gobyerno ni Marcos Jr na kondenahin ang mga pagpatay sa Gaza, at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong nasa Gaza, Israel at mga karatig na bansa. Hindi mapipilitang magtrabaho sa malayo at mapanganib na lugar ang mga Pilipino kung may disenteng trabaho sila sa sariling bansa.
Itaguyod natin ang karapatan ng mga Palestino na maging malaya at makabalik sa kanilang lupang-ninuno. Ito ang pangmatagalang solusyon sa sigalot sa pagitan ng Israel at Palestine. Kaisa ang mamamayan ng buong daigdig, ipaglaban natin ang isang mundo na may kapayapaan batay sa hustisya, pagkakapantay-pantay, tunay na kaunlaran at ganap na kalayaan.
Mabuhay ang mamamayang Palestino! Mabuhay ang mamamayang Pilipino!
Bayan, Oktubre 2023
0 Comments