Marcos-Duterte bistado sa maanomalyang paggastos ng pera ng bayan
Nakakaisang taon pa lang sa kapangyarihan si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr at Sara Duterte subalit nabuking agad ang kanilang maanomalyang paggastos ng pera ng bayan. Kahit wala sa aprubadong badyet, naglipat si Marcos ng P221 milyon para sa confidential funds ng opisina ni Duterte noong 2022. Ilegal ito at kaduda-duda dahil inulat mismo ni Duterte na ginastos ang P125 milyon sa loob lang ng 11 araw.
Bukod dito, humihingi si Duterte ng P500 milyon para sa kanyang confidential and intelligence funds (CIF) at P150 milyon naman para sa CIF ng Department of Education na kung saan siya ang kalihim. Si Marcos naman ay humihingi ng P2.2 bilyong CIF. Magsisunuran na rin ang ibang ahensiyang sibilyan na humihingi rin ng pondo para sa CIF kahit hindi naman sakop ng kanilang mandato ang intelligence gathering at surveillance. Kung pagsasamahin, aabot ng limang bilyong piso ang CIF sa panukalang badyet para sa taong 2024.
Lumalabas ngayon na CIF ang bagong raket ng mga sindikato sa pamahalaan. Palibhasa, hindi strikto ang auditing at accounting ng CIF. Ibig sabihin, mas madaling magamit ang pera sa katiwalian at political patronage dahil ang alokasyon ay nakasalalay sa desisyon ng namumunong opisyal. Walang mabisang checks and balances. Sa esensiya, ito ay pork barrel na nakapakete bilang CIF. Ginagamit Ito sa ngalan diumano ng pagtanggol sa seguridad ng mamamayan at bansa subalit tulad ng nailantad nang katangian ng pork barrel sa nakaraan, ginagamit lang sa katiwalian at pinagkukuhanan ng pondong pangpanalo sa eleksyon.
Lubhang nakakagalit ang pagiging ganid, manhid, at arogante ng mga burukrata kapitalistang kumokontrol sa pera ng bayan. Bukod sa ginawang pasaload ang badyet, tila unli ang paghahanap ng paraan para sa pangungurakot. Walang tigil ang pagtaas ng presyo ng bigas at bilihin habang abala sina Marcos-Duterte sa pagpapalobo at pagwawaldas ng kanilang CIF. Ang daming dahilan at palusot kung bakit may tapyas ang badyet ng mga ahensiyang nagbibigay ng serbisyong panlipunan tulad ng mga pampublikong ospital at state universities and colleges habang walang pagdadalawang isip na palakihin ang alokasyon para sa CIF. Halimbawa, aabot sa P10 bilyong piso ang kaltas sa badyet ng Department of Health habang nagpapanukala naman ang Secretary of Finance na bawiin ang libreng edukasyon sa kolehiyo.
Sinasalamin nito ang prayoridad ng pamahalaan sa pagbabadyet na pabor sa pagseseguro ng pambayad utang kasama ang mga onerous debts ng mga nakaraang administration; pork barrel na batbat ng katiwalian; at panggegera na ang target ay supilin ang lehitimong paglaban ng mamamayan para sa lupa, trabaho, sahod, at karapatan. Sa halip na bigyan ng dagdag proteksiyong sosyal at ayuda ang mga mahihirap, naglaan ng mas malaking pondo para sa mga proyektong pakikinabangan ng mga kroni, oligarikya, political dynasties, at monopolyo kapitalistang dayuhan. Samantala, walang sapat na subsidyo para sa agrikultura at tulong sa maliliit na magsasaka. Naglalako ng pautang sa mga lokal na prodyuser na halos hindi makaahon sa kagipitan habang patuloy ang pag-asa sa importasyon ng mga batayang pangagailangan tulad ng bigas, asukal, isda at marami pang iba. Samantala, walang matinong programa para sa pagdebelop ng lokal na produksyon, sa agrikultura man o sa industriya, na lilikha sana ng mga trabaho at kabuhayan.
Walang maaasahang inaasam na pagbabago at pag-unlad sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” ni Marcos kung ang batayan ay ang panukalang badyet para sa taong 2024. Pinasahol ang sistematikong pandarambong sa pera ng bayan. Kakarampot ang badyet para sa kapakanan ng mamamayan dahil ang prayoridad ay pambayad utang, pork barrel, at militarisasyon. At dahil nilulustay ang pera para sa kanilang luho, kasakiman, at pampulitikang ambisyon, ipapasa nina Marcos-Duterte sa mamamayan ang pasanin sa pamamagitan ng pagpataw ng mga dagdag at panibagong buwis.
Mga kababayan, itakwil natin ang harap-harapang pagnanakaw ng mga gahaman sa kaban ng bayan. Singilin at papanagutin natin ang mga nagkutsabahan para linlangin ang taumbayan at ibulsa ang daan-daang milyong piso. Ang buwis ay dapat gamitin para magkaroon ng sapat na pagkain at disenteng trabaho, pagpapaaral sa mga kabataan, pagpapagamot ng mga maysakit, maayos at ligtas na paninirahan , at hindi para sa magarbong pamumuhay, pamamasyal, at sikretong pagkakagastusan ng mga opisyal ng bayan.
Tayo na’t manindigan, sumama sa pagkilos sa Setyembre 26 sa harap ng Batasan at Oktubre 11 sa harap ng Senado.
Ibasura ang confidential funds!
Tutulan ang budget cut sa mga pampublikong pamantasan at ospital!
Pondo sa pandarahas, gamitin sa dagdag sahod at ayuda!
Abolish NTF-ELCAC!
No to automatic appropriation for debt servicing!
Ibasura ang pork barrel!
Bagong Alyansang Makabayan
0 Comments