Kamusta na kayo, Kabayan? Tulad ng marami ay hikahos at napakabigat ng pasanin natin dahil sa pandemya at krisis sa ekonomiya. Mahigit isang taon na tayong naka-quarantine. Natapos nga ang ECQ at pinalitan ng MECQ, pero parang walang nagbago sa kalagayan natin.

Ilan na sa atin ang nawalan ng trabaho at hindi pa rin makabangon? Hirap na hirap tayo at ating mga pamilya. Yung binigay na ayuda ay kakarampot lamang, P1,000 kada tao, kulang na kulang pamalengke ng pagkain para sa isang linggo. Busabos pa ang trato kapag pumipila para makuha ang ayuda. Ang iba ay inuumaga na sa pila, bago mabigyang pansin. Wala daw pera para sa ayuda pero may panggastos para sa dolomite sa Manila Bay at gera laban sa mamamayan. Bakit hindi ibigay ang panukalang P10,000 ayuda para sa mga mahihirap ngayong pandemya at P100 daily wage subsidy para sa mga mangagawa?

Labis labis ang pagpapahirap sa mga manggagawa kabilang na ang mga mangagawang pangkalusugan. Walang suporta para sa mass testing at iba pang serbisyong pangkalusugan para sa mga sumasagip ng buhay at gumagawa ng yaman ng bansa. Dagdag ang walang sapat na transportasyon dahil hanggang ngayon, hindi pa din pinayagang makabyahe ang kalakhan ng pampasaherong jeep. Namamalimos pa din ang mga drayber ng jeepney.

Ngayon higit kailanman, mas nararapat nating lakasan ang ating panawagan para sa P750 National Minimum Wage dahil kulang na kulang para mabuhay ang isang pamilya sa kasalukuyang minimum wage sa ilalim ni Duterte lalo sa gitna ng pandemya.

Ilan na ba sa atin ang may kamag-anak at kakilala na tinamaan ng COVID? Gagastos ka ng libo para makapagpa-testing. O kaya ay maghihintay nang matagal sa testing ng barangay. Pag minalas at malala ang kaso, pipila ka nang ilang araw sa ospital na punuan. Di tulad ni Harry Roque, ang ordinaryong mamamayan ay walang VIP lane sa loob ng ospital. Ang karamihan ay nagtitiis sa pila sa Emergency Room at sa parking lot. Kahit anong pagmakaawa ang gawin, walang katiyakan na ma-admit ka sa ospital. Kaya ang iba ay namamatay na lang sa bahay, sa ER at sa parking lot. Mahigit 15,000 na ang namatay na Pilipino sa COVID, at posibleng mas marami pa kung isasama ang mga hindi na umabot sa ospital at mga hindi na naiulat.

Ilan na ba sa atin ang nangamba tuwing may ipinapataw na curfew at mga abusadong pulis ang nagpapatupad nito? May namatay na nga “curfew violator” sa Cavite dahil pinuwersang mag-exercise. May namatay sa Laguna dahil binugbog naman ng mga tanod. Libo-libo ang kinulong noong 2020 dahil lamang sa quarantine violation. Pero ang mga tulad nina Sinas at Roque ay hindi magalaw-galaw kahit na mas malubha ang mga paglabag nila.

Ilan na din ang mga ikinulong at pinaslang na mga mangagawa, magsasaka, katutubo at mga human rights defenders habang nasa gitna tayo ng pandemya. Ginamit ang pandemya para mas maghasik ng lagim si Duterte sa taumbayan.
Tameme naman ang Pangulo sa pagsakop ng China sa ating mga isla at dagat. Gusto pa nyang lalong ibukas at ibenta ang ating ekonomiya, sa mga dayuhan. Palibhasa tuta sya ng mga dayuhan.

Habang tinitiis natin ang gutom at pangamba, mababalitaan natin na ang Pangulo ng Pilipinas ay nakukuha pang maglakwatsa at mawala sa kanyang trabaho. Wala na ngang malinaw na plano para sa pandemya at sa ekonomiya, bibigyang katwiran pa nya ang pagkawala nya sa panahong kailangan siyang mamuno. Aba, kung tayong maliliit ang magbulakbol sa trabaho, tanggal na tayo agad-agad.
Ano ang gagawin ni Duterte sa mga nakapila sa mga ospital na nangangamatay na? Paano ang ayuda sa mga wala pa ring trabaho sa panahon ng MECQ? Paano gagawing libre ang COVID testing? Paano ililigtas ang buhay ng mas maraming Pilipino?

Hanggang kailan magtitiis ang bayan sa ganitong palpak na pamumuno? Walang plano. Walang direksyon. Walang malasakit. Puro buladas at yabang. Sobra na pang-uulol sa bayan. Kung hindi kaya ni Duterte na gampanan ang tungkulin niya, umalis na sya at ipasa sa iba ang responsibilidad sa pamumuno sa tugon sa pandemya. Hindi kakayanin ng bansa ang ganitong kalakaran ng isa pang taon. Labis-labis na ang pagdurusa natin. Sobra-sobra na ang kapahamakan na ipinapataw sa atin.

Gusto nating mailigtas ang mga Pilipino sa sakunang dulot ng gobyerno. Panahon na para kumilos tayo at iparinig ang ating boses. Sama-sama tayo sa darating na Mayo Uno!

Ayudang P10,000 at P100 daily wage subsidy ibigay na!
P750 National Minimum Wage, ipaglaban!
COVID testing, gawing libre para sa lahat!
Duterte, palpak! Duterte, resign!
Kilusang Mayo Uno, Bagong Alyansang Makabayan


0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *