Pinakamataas na pagpupugay para kay Edgar “Egai” Talusan Fernandez, artista ng bayan!

Hindi matatawaran ang ambag ni Egai sa pagsusulong ng makabayan, syentipiko at makamasang kultura. Dahil sa kanyang ipinamalas na husay sa pagpipinta, umani siya ng maraming gantimpala. Pero sa kabila nito, nananatiling nakalapat sa lupa ang kanyang mga paa, pinili niyang ipinta ang kalagayan ng sambayanan: ang manggawa’t magsasaka, maralitang lungsod, pambansang minorya at mga taong simbahang mahigpit na nakikipagkapit- bisig sa mga anak-pawis.

Laman ng kanyang sining ang makasaysayang paglaban ng mamayan sa mga dayuhang mananakop at paglaban sa tiraniya. Makikita ang mural na kanilang ipininta kung saan matatagpuan ang mamamayan: sa mga dambuhalang kilos protesta, sa lansangan, sa picket line ng mga nagwewelgang manggagawa, sa mga unibersidad at paaralan. Naging bahagi siya sa pagbubuo ng iba’t ibang organisasyong pangkultura. Kabilang na rito ang Kaisahan, ang Tambisan sa Sining, Concerned Artists of the Philippines at Artista ng Bayan o ABAY.

May be an image of 1 person and text that says "Artista ng Bayan Egdar "Egai" Talusan Fernandez January 20, 1955- February 27, 2024"

Sa panahon ng ligalig sa ilalim ng diktadurya, ipinamalas ni Egai Fernandez ang katapangan at hinarap ang lagim ng Batas Militar. Hanggang sa panunumbalik sa pwesto ng anak ng diktador na si Ferdinand BongBong Marcos Jr., nakiisa siya sa pagpinta ng mural na pinangunahan ng BAYAN na pinamagatang “Kalahating Siglo ng Daluyong”.

Inspirasyon si Egai Fernandez sa iba’t ibang henerasyon ng makabayang artista’t manggagawang pangkultura. Mananatiling buhay ang iyong diwa!

Categories: Tribute

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *