Gunitain ang pag-aalsang EDSA! Labanan ang Chacha!
Kabuhayan, lupa, karapatan at kasarinlan, hindi paghahari ng mga dayuhan at iilan!

Sa dami ng problema ng bansa, bakit Charter change ang inuuna? Nagaaway-away na nga ang mga Marcos at Duterte dahil dito. Pero di n’yo ba napapansin? Puro pansariling interes ang kanilang inaatupag – ang pananatili nila sa poder at kung sino ang pinakamasugid na tuta ng US o China, ng mga malalaking negosyante at panginoong maylupa at mga kurap na burukrata.

May be an image of text

“Bagong Pilipinas” na raw ngayon pero ang mga nasa pwesto, dating gawi pa rin. Sinasamantala nila ang paghihirap ng marami para makakalap ng mga pirma pabor sa Chacha. Kurapsyon ng mga pulitiko ang tuntungan ng tinatawag nilang “people’s initiative”. Term extension o pananatili sa pwesto ang layon nito.

Ang Constituent Assembly naman na isinusulong ng Kongreso kasabay ng “pekeng initiative” ay kontra sa interes ng bayan. Laman nito ang pagpayag sa 100% dayuhang pag-aari sa lupa, likas-yaman, kuryente, tubig, transportasyon, eskwela, mass media at advertising. Nais nitong gawing ganap ang kontrol ng mga dayuhan sa ating ekonomiya. Lalo itong maglulugmok sa atin sa kahirapan.

Itong mga Duterte na dati ay masugid na nagtutulak din ng Chacha ay biglang naging kontra sa Chacha. Pero walang usaping prinsipyo dito; simple lang kaya sila tutol, hindi sila ang makikinabang. Nais nila ngayo’y tanggalin sa pwesto si Marcos para mailuklok bilang pangulo si Sara Duterte at maibalik ang kanilang papet, korap at marahas na rehimen.

Hindi pagbabago ng Konstitusyon ang kailangan ng mamamayan ngayon. Ang kailangan ay pagbabago ng bulok na sistema na pinaghaharian ng imperyalistang dayuhan at iilan. Ang kailangan ay tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pagpawi sa kahirapan, paggalang sa karapatang pantao at pagtaguyod ng pambansang kasarinlan. Hindi ito magagawa ng Chacha na itinutulak ng sabwatang Marcos-Romuladez. Taliwas ang Chacha sa mga hangaring ito.

Minsan nang pinakita sa kasaysayan natin na ang mga naghahangad ng forever sa pwesto ay lalabanan at gagapiin ng mamamayan. Ito ang aral ng People Power sa EDSA noong Pebrero 1986 laban sa diktadurang US-Marcos.

Nagtagumpay ang EDSA People Power na ibagsak ang isang pasistang diktadura pero hindi pa natutupad ang pangako nitong ganap na pagbabago. Matapos ang EDSA, nagawa pang makabalik sa poder ng pamilya Marcos dahil nagamit nila ang umiiral na bulok na sistema sa ekonomiya at pulitika.

Pero ang aral ng EDSA, na ang ating lakas ay nasa sama-samang pagkilos, ay nananatiling buhay at mahalaga hanggang ngayon. Kailangan ng “people power” para pigilan ang rumaragasang Chacha. Kailangan ng “people power” para ipaglaban ang kabuhayan, lupa, karapatan at kasarinlan. Marapat ang “people power” para sa pambansa demokratikong pagbabagong panlipunan.

Sa Pebrero 25, anibersaryo ng pag-aalsang EDSA at pagbagsak ng diktadurang US-Marcos, ipakita natin ang mariing pagtutol sa pakanang Chacha, term extension at pagbebenta ng Pilipinas sa mga dayuhan. Sa buong bansa at sa ibayong dagat, magsama-sama tayo para ipakita na di tayo papayag na muling manaig ang mga pwersang pansarili at elitistang interes lang ang hangad.

Tangan ang mga aral ng EDSA, biguin ang Chacha ni Marcos! Itakwil ang mga pakana ng mga Duterte! Laban, para sa pambansa demokratikong pagbabago!

Bagong Alyansang Makabayan
Pebrero 2024

Categories: Statements

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *