Tinutuligsa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang nakakainsultong panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “huwag mag-panic” ngayong umabot na sa Php64 laban sa isang dolyar ang palitan ng piso.
Walang saysay ang paalala na huwag mag-panic kung ang bawat araw ng ordinaryong mamamayan ay puno ng pangamba dahil sa mataas na bilihin, kulang na kita, at kawalan ng trabaho.
Hindi lamang numero sa merkado ang pagbagsak ng halaga ng piso. Bumabagsak ang halaga ng piso, tumataas ang presyo ng bigas, langis, kuryente, at pamasahe. Samantala, nananatiling mababa ang sahod at walang katiyakan ang trabaho. Paanong hindi mag-papanic ang isang magulang na hindi kayang ipaghain ng sapat na pagkain ang kanyang pamilya? Paanong hindi mag-papanic ang manggagawa na pinipilit mag-overtime para lamang maabot ang dating halaga ng kanyang kinikita?
Binibigyang-diin din ng BAYAN ang paggawang negosyo ng mga serbisyong dapat na para sa lahat. Ginagawang pagkakakitaan ng iilan na malapit sa Palasyo ang kuryente, tubig, transportasyon, kalusugan, at edukasyon. Sa halip na gawing tungkulin ng estado ang paglilingkod sa mamamayan, itinuturing itong palengke kung saan kumikita ang mga crony at kamag-anak ng nasa kapangyarihan.
Itinutulak ang pera ng taumbayan sa kurapsyon, sa pagbabayad ng utang panlabas, at sa mga negosyong infra ng mga oligarkiya. Habang lumulubog ang halaga ng piso, patuloy ang pagsipsip ng mga pondo para sa walang katiyakang dayuhang utang at sa mga proyektong nagpapayaman lamang sa mga malalaking negosyante. Hindi pribadong problemang pasanin ng mamamayan ang bawat sentimong nawawala sa bawat dolyar na inutang.
Kinukuwestiyon din ng BAYAN ang malaking halaga ng pondong inilaan para sa pagdating ni US President Donald Trump para sa ASEAN Summit na idaraos dito sa bansa. Hindi maitatago ang paggasta ng bilyon-bilyong piso para sa pagbisita ng isang pangulo ng dayuhang bansa habang naghihirap ang mamamayan. Layunin lamang ng ganitong pagtitipon na dambungin at pagsamantalahan ang ating likas na yaman, kabilang na ang tinatawag na Pax Silica na nakatuon sa mga mineral at strategic resources ng Pilipinas. Sa ilalim ng ganitong pakana, lalong nasasakop ang ekonomiya at soberanya ng bansa sa interes ng imperyalismo.
Nanawagan ang BAYAN sa gobyerno na huminto na sa pagpapalaganap ng mapanlinlang na kapanatagan at sa halip ay tugunan ang mga kongkretong pangangailangan ng mamamayan.
Permanenteng trabaho, makatarungang sahod, murang bilihin, at tunay na proteksyon sa lokal na produksyon ang kailangan natin, hindi mga pakiusap na magtiis at huwag mag-panic. Paigtingin ang laban para sa pagtatanggol sa pambansang industriya, pagtigil sa pagbabayad ng mapanirang utang panlabas, at pagbasura sa mga kasunduang nagsasakop sa ating soberanya at likas na yaman.
Patuloy na magsasagawa ang BAYAN at mga kasama nitong organisasyon ng mga pagkilos sa mga komunidad, paaralan, at harap ng mga ahensya ng gobyerno upang ipaabot ang panawagan para sa agarang aksyong pang-ekonomiya at pagtatanggol sa kapakanan ng manggagawa, magsasaka, at maralita.

