
Ibasura ang Anti-Terror Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act!

Sa July 3, markahan natin ng mga serye ng protesta ang ika-anim na taon ng pagpasa ng Anti-Terrorism Act sa Pilipinas. Ito ay patuloy na ginagamit upang sindakin ang mamamayan, patahimikin ang oposisyon, at pigilan ang paglaban ng taumbayan.
Kasabay nito ang pagtatapos ng Global Counter-Terrorism Week (Hunyo 26 – Hulyo 2): Magtitipon ang UN General Assembly para irebyu ang UN Global Counter-Terrorism Strategy. Aktibong nilalahukan din ito ng mga kinatawan ng mga imperyalista at mga mapang-aping tutang gobyerno, defense contractors, at iba pang stakeholders.
Pinapakita ng karanasan ng Pilipinas ang sistematikong pagsupil sa lehitimong pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na pagbabago sa ngalan ng pagbaka sa terorismo. Agresibong ginagamit ang mga batas kontra terorismo upang arbitraryong idesignate na terorista ang mga rebolusyonaryo, peace consultants, mga lider at samahang masa, at sampahan ng mga gawa-gawang kaso ang mga aktibista, gipitin ang mga NGO gamit ang terror financing law, at ipakulong ang mga progresibo at rebolusyonaryo sa pamamagitan ng pagtanim ng mga pekeng ebidensiya.
Nito lamang Hunyo, ibinasura ng korte sa Baguio City ang petisyon ng mga lider ng Cordillera People’s Alliance para kwestiyunin at tanggalin ang designation sa kanila ng Anti-Terrorism Council bilang mga terorista. Ito ang isa sa mga kasong kailangan nating patampukin sa ating kilos-protesta.
Ginagamit ng imperyalismong US ang UN at iba pang mga institusyon tulad ng Financial Action Task Force (FATF) para itulak ang mga ginagamit na batayan, instrumento at modelo para sa
matinding paglabag sa karapatan ng mga mamamayang lumalaban. Ang Global Counter-Terrorism Strategy ay nagsilbing manual para sa masahol na red-tagging, terror-tagging, lawfare, at political persecution at crackdown sa mga aktibista.
Sa Pilipinas, karamihan ng naging biktima at target ng Anti-Terror Act ay mga indibidwal na lumalaban para sa kagalingan ng kanilang mga komunidad, kabilang ang mga magsasaka at katutubo na nagsasalita at nag-oorganisa para sa depensa ng kanilang lupa, kalikasan, at kultura.
Ibasura ang Anti-Terror Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act!
Itigil ang pagsampa ng gawa-gawang kaso!
Makatwiran ang lumaban!
Hindi terorista ang mga aktibista at rebolusyonaryo!
Marcos Jr, papet, pasista, pahirap, at korap
