IKALIMANG SONA NI MARCOS: TATAK AY KAWALAN NG TRABAHO, KAHIRAPAN, AT PAGKATUTA SA DAYUHAN

Sa ilalim ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr., patuloy ang paglala ng kawalan ng trabaho, kahirapan, dambuhalang korapsyon, at pagkatuta sa imperyalistang dayuhan.

Sa nakalipas na taon, ramdam ang krisis sa kabuhayan. Ayon sa balita, tumaas ang unemployment rate sa 4.8% nitong Mayo 2026, katumbas ng 2.50 milyong Pilipinong walang trabaho—isang malinaw na indikasyon ng kabiguan ng administrasyon. Pinakamalala ang pagkawala ng 905,000 trabaho sa agrikultura at forestry.

Hindi nakapagtataka ang itinaas na tantos ng walang trabaho. Simula’t sapul, bansot ang ekonomiya na maaaring lumikha ng permanenteng trabaho at maayos na pasweldo.

Samantala, ang sinusulong ng pamahalaan ay hindi pambansang industriyalisasyon kundi mga proyektong pangmilitar tulad ng “Pax Silica”, na binuo ng Estados Unidos para sa pakikipagkumpetensya sa Tsina at sa kalauna’y gerang agresyon, at hindi para sa pag-unlad ng ekonomiyang Pilipino.

Sa halip na palakasin ang lokal na produksyon, nakatuon ang pamahalaan sa paggamit ng ating yamang likas at murang lakas-paggawa para pagsilbihan ang imperyalismong US. Bukod dito, ang kabang bayan ay nilulustay at ninanakaw pa ng mga opisyal sa gobyerno na pawang mga burukrata kapitalista at mga mula sa mga political dynasties.

Kaugnay nito, mahalaga ang pagbabantay sa impeachment trial ni Bise Presidente Duterte at paniningil sa mga kaso ng pandarambong, lalo na sa mga flood control project na pinagsamantalahan kapwa ng mga Duterte at Marcos, at higit pang sistematikong korapsyon na ang utak ay si Presidente Marcos Jr. Dapat ibalik sa serbisyong bayan ang lahat ng ninakaw na yaman at papanagutin ang lahat ng sangkot, mula sa tuktok.

Nananawagan ang BAYAN ng mga sama-samang kilos-protesta bago at sa darating na SONA. Ang tunay na state-of-the-nation ay estado ng kagutuman at pagdurusa ng mamamayan habang hindi napapanagot ang mga may sala, — resulta ng mga patakarang naglilingkod sa iilan at sa imperyalistang interes sa pangunguna ngayon ng papet pasistang rehimeng Marcos Jr