INILULUBOG SA UTANG ANG BANSA NGUNIT WALANG PAG-UNLAD AT PABIGAT LAMANG SA TAUMBAYAN

Mabilis na umaarangkada ang rehimeng US-Marcos Jr. patungo sa pagiging pangunahing nagpapalubog sa bansa sa utang. Sa nalalabing dalawang taon ng kanyang administrasyon, umabot na sa P6.28 trilyon ang inutang nito. Kapansin-pansin ang bilis at laki nito, at kung magpapatuloy sa ganitong kalakaran—malalampasan nito ang buong anim-na-taong rekord ng naunang rehimen na umabot sa P6.84 trilyon.

Gaya ng mga naunang rehimen, hindi para sa kapakanan ng mamamayan ang pangungutang na ito. Ang iskandalo ng trilyong pisong winaldas sa kaban ng bayan dahil sa flood control scam at iba pang maanomalyang infrastructure projects ay sariwa pa sa ating lahat—ni walang masusing pag-iimbestiga, iilan at pili ang napapanagot, kakarampot ang nababawi sa mga ninakaw, at hindi malinaw kung saan ginagamit, at tuloy ang sistema ng pagnanakaw sa pamamagitan ng tinagong pork barrel sa pambansang badyet. Sa madaling salita, nauuwi sa korapsyon ang inutang sa ilalim ng rehimen ni Marcos Jr.

Dahil sa mga patakaran at programang neoliberal tulad ng deregulasyon, pribatisasyon at liberalisasyon (isipin ang EPIRA, Oil Deregulation Law at Rice Liberalization Law), ang trilyong pisong inuutang ay hindi napupunta sa pag-unlad ng atrasadong ekonomiya, sa pagpapabuti ng kalagayan ng mayorya ng mamamayan, o sa pagsasaayos ng mga batayang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay, kalusugan at iba pa.

Sa halip, ginagamit ang dambuhalang utang para pondohan ang mga proyektong nakatuon sa interes ng malalaking negosyante at dayuhang monopolyo kapital tulad ng mga daan patungo sa mga export processing zone, mga pabrika ng dayuhan, at mga minahan. Kung tutuusin, para lamang itong malaking subsidyo sa pribadong kita, habang ang mga pasilidad at serbisyong panlipunan para sa taumbayan ay napapabayaan. Dagdag pa, ipinagpapatuloy ang mga patakarang naglilimita sa karapatang mag-unyon at nagdedeklara ng mga “peace zones” na pumipigil sa lehitimong pagkilos at pagwewelga ng mga manggagawa. Todo rin ang proteksyong ibinibigay ng rehimen sa mga mapanirang proyekto tulad ng pagmimina, reclamation at malalaking solar farms na lumalabag sa karapatan ng mga magsasaka at mga katutubo.

May mabigat na kapalit ang ganitong kalakaran: ipinapasa ang pasaning piskal sa ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng indirect tax tulad ng VAT sa halos lahat ng bilihin at serbisyo. Ito ang dahilan kung bakit ayaw tanggalin ang VAT sa langis sa harap ng sumusirit na presyo nito bunga ng giyera ng US sa Iran. Ang inanunsyo naman ni Marcos Jr. na panukalang tanggalin ang income tax ng mga kumikita nang mababa ay mumo kumpara sa binawas nilang buwis sa mga malalaking korporasyon sa ilalim ng TRAIN Law.

Nananawagan ang BAYAN: Itigil na ang walang habas na pangungutang na ito na hindi naman nakikinabang ang sambayanan. Buwisan nang sapat ang mga malalaking korporasyon at mga multi-billionaire na oligarkiya. Pigilan ang pagnanakaw at pagwawaldas ng pondo ng bayan. Igiit ang tamang prayoridad sa pambansang badyet sa 2027. Ipawalang-bisa ang mga batas at patakarang neoliberal.

Para umunlad ang bansot at atrasadong ekonomiya, isapubliko ang mga pangunahing industriya at serbisyo upang kumita para sa bayan. Ilunsad ang isang national industrialization program na magtataguyod ng sariling industriya at empleyo kaakibat ng pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa na magpapalaya sa magsasaka mula sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala.

Ang landas ng walang-pakundangang pangungutang, pag-asa sa foreign investments ng mga multinational corporations, pagsunod sa interes ng iilang burges kumprador na negosyante, at pagnanakaw ng burukrata kapitalista sa gobyerno ay landas ng pagkalubog sa walang ampat na krisis at kahirapan. Tanging ang pagtalikod sa mga neoliberal na patakaran at pagpapatupad ng mga patakarang makabayan at makamasa ang magliligtas sa ating ekonomiya mula sa pagkagapos sa utang at pagsasamantala.

#BurukrataKapitalismoIbagsak#MarcosSingilin#MakibakaHuwagMatakot