Photo: Altermidya
Sigaw ng bayan sa SONA 2023:
Murang pagkain at dagdag sahod! Unahin ang kapakanan ng masa, hindi ng mga Marcos, kanilang kroni at mga dayuhan!
Sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24, itakwil natin ang mga pambobola at magagandang pangako na palagi na lang nating naririnig sa kanyang talumpati. Ipahayag natin ang tunay na sitwasyon at daing ng karaniwang Pilipino. Singilin natin ang gobyernong Marcos sa nararapat nitong aksyon sa mga problema ng bayan.
Itaas ang sahod, ibaba ang presyo!
Sa harap ng pinakamatinding pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong nakaraang taon dulot ng pagsirit ng halaga ng langis at pagkain, walang ginawang hakbang si Pangulong Marcos para ibaba ang presyo. Bingi siya sa panawagan nating bawasan ang sobra-sobrang buwis sa langis at gasolina kahit man lang pansamantala. Inutil din sa panawagang kontrolin ang presyo ng bigas, asukal, iba pang pagkain, at mga batayang produkto at serbisyo. Pinayagan pa nga niyang magtaas ng pamasahe ang LRT para lumaki ang kita ng mga pribadong korporasyon na nagpapatakbo nito.
Tumanggi si Marcos na signipikanteng itaas ang sahod ng mga manggagawa o dagdagan man lang ang ayuda para sa mga mahihirap. Kakarampot ang P40 na umento sa sahod sa NCR. Umaabot na ng mahigit P1,200 bawat araw ang kailangan ng isang pamilya para mabuhay ng sapat. Pero ang pinakamataas na minimum – P610/day sa NCR – ay kalahati lang ng nakabubuhay na sahod. Mas matindi ang kalagayan sa mga probinsya, kung saan mas mababa ang sahod at lubhang kulang ang trabaho.
Ang tanging solusyon ni Marcos Jr. – ang food stamps para sa isang milyong pamilya at ilang Kadiwa Stores – ay pabalat bunga lamang at hindi nakatuon sa mismong problema ng mataas na presyo sa pamilihan.
Lokal na produksyon ng pagkain, hindi importasyon!
Ang mataas na presyo ng pagkain ay dulot ng matagal nang kapabayaan sa sektor ng agrikultura. Sadyang kulang ang suporta ng gobyerno sa ating mga magsasaka habang protektado ng mga korap na opisyal ang pagmamanipula sa merkado ng mga kartel, malalaking importer at smuggler ng bigas, asukal, sibuyas, baboy, manok at iba pang produktong agrikultural.
Bilang kalihim ng Department of Agriculture, walang makabuluhang hakbang si Marcos Jr. para ayusin ang problemang ito. Sa halip, pilit niyang ibinabalik ang palpak na Masagana 99 program ng kanyang ama sa kabila ng idinulot nitong pagbagsak ng kita at kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka noong dekada 70.
Sa halip na bigyan ng libreng lupa, subsidyo at suporta sa produksyon ang mga magsasaka, puro importasyon ang kaniyang inatupag na lalong pumapatay sa kanila. Kaya naman ang pangako niyang P20/kilo ng bigas ay nananatiling isang panaginip lang at wala siyang balak magising.
Ayuda, hindi Maharlika!
Minadali ni Marcos Jr. ang Kongreso na ipasa ang batas sa Maharlika Investment Fund. Hihigop ito ng kalahating trilyong piso mula sa Land Bank, Development Bank, Bangko Sentral, PAGCOR, at pondo mula sa privatization program ng gobyerno.
Ang pondong Maharlika, na pag-aari ng publiko at dapat nakalaan para sa serbisyo at ayuda sa mamamayan, ay ilalagak bilang puhunan at pautang sa mga lokal at dayuhang kumpanya ng mining, housing, energy, real estate development at iba pa. Siyempre, ang mga kroni ng Pangulo at kanyang mga kaalyado ang malamang mabiyayaan nito, tulad nang nangyari sa panahon ng dating diktador.
Gagamitin din daw ang pondo sa mga “development projects” tulad ng highway, pier, tulay at iba pa. Pero sa halip na libreng serbisyo ay maniningil ito ng matataas na toll fee at user fee upang kumita nang malaki ang MIF.
Mabuting pamamahala, hindi korapsyon at kroniyismo!
Habang nagtitiis tayo sa hirap at gutom, panay-panay ang byahe sa abroad ni Marcos Jr., kanyang pamilya at mga kapartido. Pati F1 racing sa Singapore at pag-korona kay King Charles ay pinatulan, gamit ang pondo ng bayan. Ang lumalaking kontrol ng pamilya Aboitiz sa industriya ng kuryente, ang pagbigay kay Enrique Razon ng Malampaya natural gas facility at pag-extend ng kontrata nito ng 15 taon, at ang lumalawak na interes ng pamilya Romualdez sa industirya ng media ay ilan lamang sa halimbawa ng kronyismong tatak Marcos.
Kitang-kita sa mga appointment ng mga kamag-anak ni Marcos at mga loyalista tulad ni Larry Gadon ang maling pamantayan ng pagpili ng mga opisyal ng gobyerno.
Matapos manawagan ng “unity”, lumalabas na matindi ang awayan sa loob ng kampong Marcos-Duterte. Sa halip na unahin ang problema ng bayan, puro balyahan at pamumulitika ang inaatupag ng mga paksyon ng First Lady, ni Sen. Imee Marcos, Speaker Martin Romualdez at VP Sara Duterte. Tiyak na iinit pa ito habang papalapit ang eleksyon.
Soberanya, hindi dagdag base militar ng Kano!
Mula sa pangangayupapa sa Tsina, todo kabig naman ang gobyerno ngayon sa US. Katulad ng kanyang ama, nais maging tuta ng Kano si Marcos Jr. Pinayagan niyang dagdagan ng apat ang mga base militar ng Kano sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Higit itong magpapainit ng sitwasyon at malamang gamitin ng Tsina upang bigyan katuwiran ang dagdag na presensya sa South China Sea at Taiwan Strait, at gawing target ang Pilipinas sa kanilang awayan ng US. Magbibigay daan din ito sa higit na panghihimasok ng US sa ating bansa, kabilang ang pakikialam nito sa counter-insurgency at dulot nitong matinding paglabag sa karapatang pantao at pagkawasak ng kalikasan.
Subalit sa kabila ng dagdag na presensyang militar ng US, patuloy pa ring hinaharas ng Tsina ang ating mga mangingisda at Coast Guard sa West Philippine Sea. Patunay ito na hindi pwedeng i-asa sa iba ang pagtatanggol sa ating soberanya. Sa katunayan, wala pa ring makabuluhang programa ang gobyerno para paunlarin ang sarili nating kakayanang ipagtanggol ang ating karagatan.
Karapatan at kalayaan, hindi red tagging at panggigipit!
Sa halip na makinig at tugunan ang mga hinaing ng mamamayan – para sa dagdag na sahod at ayuda, murang pagkain at bilihin, reporma sa lupa, tapat na pamamahala, at soberanya – walang tigil na red-tagging, panggigipit at karahasan ang sagot ng rehimeng Marcos. Binabansagang “komunista” at “terorista” ang sinumang nagsusulong ng mga adhikaing ito upang bigyan katwiran ang panghaharas, pagsampa ng gawa-gawang kaso, pagdukot at pagpatay sa kanila.
Pinakamatindi ang karahasan sa Cordillera, Negros, Samar at Mindanao, kung saan mga pagbomba, sapilitang pagpapalikas, masaker at iba pang paglabag sa International Humanitarian Law ang ginagawa sa mga komunidad na pinaghihinalaang sumusuporta sa New People’s Army. Sa halip na buhayin ang peace talks sa CPP-NPA-NDF para lutasin ang ugat ng armadong labanan, militaristang “solusyon” ang sinasandigan ni Marcos.
Tama na ang buladas! Marcos, itakwil!
Isang taon sa pwesto si Marcos. Malinaw na ang direksyon na tinatahak ng kanyang administrasyon. Ipinagpapatuloy niya ang mga palpak at pahirap na patakaran ng nagdaang rehimeng Duterte at binabangong muli ang mga pinaglumaang proyekto ng kanyang amang diktador at mandarambong.
Sa darating na SONA sa Hulyo 24, sumama tayo sa gagawing martsa at SONA ng Bayan! Ipahayag natin ang ating mga panawagan at hinaing sa gobyerno. Singilin natin si Marcos, Jr. sa kaniyang mga pangakong napako.
Laban bayan!
Bagong Alyansang Makabayan
Hulyo 2023
0 Comments