PAHAYAG NG PAKIKIISA SA MATAGUMPAY NA WELGA MANGGAGAWA NG KOWLOON!

Buong pagpupugay at masidhing pakikiisa ang ipinapaabot ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa mga manggagawa ng Kowloon sa kanilang makasaysayang tagumpay! Nagpamalas ng tunay na lakas ng pagkakaisa at paglaban ang kanilang anim na araw na welga, isang makapangyarihang pagkilos na direktang pumutol sa tubo ng kapitalistang pamilyang Ng at tinulak ang management na Kilalanin ang mga lehitimong kahilingan ng mga manggagawa.

Isang malinaw na patunay ang tagumpay na ito na ang kolektibong aksyon at militansya ng mga manggagawa ang tanging epektibong sandalan laban sa pagkamkam ng kapital. Ipinakita ng welga sa Kowloon na ang produksyon—at ang tubo—ay ganap na nakasalalay sa lakas-paggawa, at kapag nagkaisa ito at huminto, wawasakin nito ang ilusyon ng kapangyarihan ng kapitalista.

Higit sa dagdag na sahod na PHP40 sa loob ng dalawang taon ang napanalunan. Naipagtagumpay ang isang komprehensibong pakete ng benepisyo—mula sa signing bonus, mga leave, hanggang sa educational aid at suporta para sa pagdiriwang ng Mayo Uno at Nobyembre 30. Pinakamahalaga, naibalik sa mga manggagawa ang Service Charge benefits mula sa nakaraang tatlong taon, na babayaran linggu-linggo ng management.

Hindi lamang ito tagumpay sa negosasyon. Ito ay isang politikal na tagumpay ng uring manggagawa. Ito ang unang welga sa loob ng ilang dekada sa industriya ng hotel, restaurant, at food service, at ang unang welga sa Kowloon makalipas ang 18 taon. Nagtatakda ito ng isang maningning na halimbawa at nagbibigay ng inspirasyon sa libo-libong manggagawa sa buong bansa na organisahin ang kanilang sarili at ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kabuhayan.

Nananawagan ang BAYAN sa lahat ng sektor na kilalanin at suportahan ang landas na ipinakita ng mga manggagawa ng Kowloon. Sa harap ng matinding pagsasamantala at paghihirap na dulot ng pyudal-pasistang estado at ng mga lokal at dayuhang monopolyo, ang pagkilos ng masa at pagkakaisa ang siyang tanging daan patungo sa tunay na pagbabago.

MABUHAY ANG MGA MANGGAGAWA NG KOWLOON!

MABUHAY ANG TUNAY, PALABAN, AT MAKABAYANG UNYONISMO!

IPAGPATULOY ANG PAKIKIBAKA HANGGANG SA GANAP NA PAGLAYA!