Sa Bagong Lipunan noon at Bagong Pilipinas ngayon:
Walang nagbago mula kay Marcos Sr. hanggang kay Junior
Setyembre 21, 2023 ang ika-51 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni Ferdinand Marcos, Sr.. Taon-taon, ginugunita natin ang pangyayaring ito sa ating kasaysayan dahil sa naganap na lansakang paglabag sa karapatang pantao at walang-kahihiyang pagnanakaw sa kabang-bayan. Suportado ng US, ginamit ang Martial Law upang manatili sa pwesto ang isang diktador, lagpas-lagpas sa kanyang termino, at upang magkamal ng higit na yaman at kapangyarihan. Ang madilim na yugto na ito ng ating kasaysayan, kung saan libo-libo ang inaresto, kinulong at pinatay ng diktadura, ay pursigidong nilabanan ng mamamayan sa ngalan ng kalayaan at demokrasya. Kinalaunan, napabagsak ang diktador at napalayas sila sa Palasyo.
Ngayon ay nakabalik sa poder ang anak ng diktador at tila hindi nagbago ang estilo ng pamamahalang tatak “Marcos”. Talamak pa rin ang karahasan at kurapsyon sa lipunan. Walang pakundangan ang pulis sa pagpatay ng mga tao sa komunidad. Sa kanayunan, parang Martial Law ang pinaiiral ng AFP sa mga baryo kung saan malakas ang pakikibaka ng masa. Pilit na pinasusuko ang masang lumalaban kapalit ng pekeng programang pangkabuhayan na pinagkakakitaan lamang ng mga opisyal. Dumarami ang mga kaso ng mga sapilitang pagkawala. Ginagamit ang mga batas tulad ng “Terror Law” para gipitin ang mga nagtatanggol sa karapatang pantao. Dumarami ang bilanggong pulitikal dahil sa pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso.
Samantala, parang personal na kaharian naman ang turing ng mga Marcos sa gobyerno. Nakaluklok sa pwesto ang mga kapamilya at kamag-anak ng Pangulo. Binabayaran natin ang magarbo at maluho nilang pamumuhay. Nakakalula ang laki ng mga confidential at intelligence funds, pondo para sa pagbyahe ng Pangulo, pondong hindi malinaw saan gagamitin, pondo para sa personal na security ng mga opisyales, at pondo para sa mapanupil na NTF-ELCAC. Garapal pang pinagtatanggol ng Kongreso ang paglulustay ng pondo ng bayan. Panay naman ang byahe ni Marcos Jr sa ibang bansa para ipakita na masunuring papet siya ng mga imperyalista.
Mula kay Marcos Senior hanggang kay Marcos Junior, walang makabuluhang nagbago sa lipunang pinaghaharian ng dayuhan at iilan – mga burukrata kapitalista, malaking panginoong maylupa at komprador burgesya. Walang saligang pagkakaiba ang pekeng slogan na Bagong Lipunan noon sa pekeng slogan na Bagong Pilipinas ngayon. Pareho silang naglilingkod sa panloloko at panunupil. Nanatili ang mga pinairal sa Martial Law – ang malupit na panunupil at kawalang pananagutan – dahil nais panatiliin ang bulok na kaayusang pinakikinabangan nila. Ayaw nilang dumaing, anupa’t magreklamo tayo sa nagtataasang presyo at napakababang sahod. Ayaw nilang mag-organisa tayo ng mga unyon at samahan para ipaglaban ang ating mga demokratikong karapatan. Gusto nila’y maging sunud-sunuran ang lahat, kaya binabalik pati ang mandatory ROTC para sa kabataan.
Hindi tayo papayag na maghari muli ang lubos na kadiliman sa ating bayan. Anumang “re-branding” ang gawin ni Marcos sa kanyang administrasyon, hindi nito maitatago ang bulok na anyo ng kanyang rehimen. Sa darating na Setyembre 21, magsama-sama tayo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, upang ihayag na hindi tayo nakakalimot, at mariin nating lalabanan ang nagpapatuloy na panunupil at kurapsyon sa ating bayan. Bawat isa ay magdala ng larawan ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao mula sa panahon ni Marcos Sr hanggang kay Marcos Jr, at kandila, bilang simbolo ng ating nagpapatuloy na paglaban. Patuloy tayong magsiwalat ng katotohanan at liwanag at pag-alabin ang apoy ng pakikibaka, hanggang makamit ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
Never again to Martial Law!
Hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao!
Ibalik ang mga nakaw na yaman ng mga Marcos!
Ibasura ang “terror law”! Buwagin ang confidential at intelligence funds!
Buwagin ang NTF-ELCAC! Stop the killings!
Makibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya!
Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)
Setyembre 2023
0 Comments