Tahasang kinokondena ng BAYAN at sambayanang Pilipino ang rasistang pagtawag ng China Daily sa mga Pilipino bilang unggoy

Isang matinding insulto at walang katuturang panlalait ang paglalarawan ng China Daily sa mga Pilipino bilang isang unggoy. Kinokondena ito ng Bagong Alyansang Makabayan kasama ng sambayanang Pilipino—walang puwang ang ganitong uri ng diskriminasyon at kolonyal na pag-iisip sa anumang relasyon ng mga bansa. Tulad din ito ng mga ilustrasyong nilabas ng mga Amerikanong imperyalista upang bigyang katwiran ang pagsakop sa Pilipinas noong huling bahagi ng 1800s.

Hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng China Daily na bahagi ng state media. Ipinapakita lamang nito ang tunay na pagtingin ng ilang sektor ng gobyernong Tsino sa ating bayan—bilang mas mababa at hindi nila kapantay. Sa halip na manlait at maging pikon, dapat kilalanin ng China ang ruling ng Permanent Court of Arbitration na nagpapatunay sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Iyan ang tapat at makatarungang hakbang, hindi ang pagpapakalat ng mapanirang pananalita.

Walang maidudulot na mabuti ang paghamak sa lahi at kultura ng Pilipino. Ang kailangan ngayon ay paggalang sa soberanya at sa mga desisyon ng pandaigdigang batas. Sa kagyat ay dapat alisin ang video, humingi ng tawad sa mga Pilipino, at ang gobyerno ng China ay magbigay ng kategorikal na tindig na hindi ito sang-ayon sa mensaheng nilabas ng China Daily.

Hindi papayag ang sambayanang Pilipino na tratuhin bilang hamak at walang halaga. Maninindigan ang mamamayan para sa dignidad, soberanya, at hustisya.