HINGGIL SA MGA PROTESTANG KONTRA-KORAPSYON SA BUONG BANSA SA ARAW NI BONIFACIO


Binabati ng Bagong Alyansang Makabayan ang libu-libong Pilipino na nagtipon sa Luneta at nagmartsa patungong Malacañang para ipahayag ang patuloy na pagkapoot at patuloy na igiit ang pananagutan ng gobyerno sa mga isyu ng korapsyon.

Nagpakilos ang mga protestang kontra-korapsyon ng daan-daang libong tao mula sa iba’t ibang antas ng buhay na nilahukan ng mga mamamayan mula Luzon, Visayas at Mindanao para patuloy na singilin ng pananagutan ang lahat ng sangkot, lalong lalo na ang mga utak ng sistematikong korupsiyon sa gobyerno.

Tinangka ng Malacañang na pigilan ang pagkilos sa Luneta sa pamamagitan ng pag-atas sa kapulisan na guluhin ang maagang paghahanda ng mamamayan gaya ng pagtatayo ng entablado at sound system ngunit nanindigan ang mga kalahok sa kanilang karapatang magtipon upang ipahayag ang kanilang mga hinaing at panawagan. Kinokondena ng BAYAN ang pagtatangka sa pananabotaheng ito ng Malacañang at ang pagkasangkapan sa pulisya para harasin at hadlangan ang mapayapang pagtitipon ng mamamayan.

May be an image of text

Binigyang-diin ng protesta ng Nobyembre 30 ang panawagang panagutin ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa – sina Marcos Jr. at Sara Duterte – dahil sa pag-abuso ng kapangyarihan at pandarambong sa kaban ng bayan at pagkatapos ay pagtakpan ito. Dapat imbestigahan si Marcos dahil sa kanyang susing papel sa budget insertion at pag-release ng pondo para sa mga proyekto ng pork barrel na naglustay sa daan-daang bilyong pisong pondong pampubliko. Napatunayan din ang pagkakasala ni VP Sara Duterte, na tamang humantong sa kanyang impeachment; at hindi siya dapat payagang makalusot at magkaroon pa ng tsansa sa pagkapangulo sakaling matanggal si Marcos Jr.

Ang gobyerno ni Marcos Jr. at ang mga tagapagtanggol nito, kabilang ang ilan na nagpapanggap na mga diumano’y kampeon ng kontra-korapsyon, ay malisyosong tinangka na siraan ang mga lehitimong panawagan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagsabing labag sa konstitusyon ang protesta at akusahan ang mga ito na diumano’y nagsusulong ng destabilisasyon at adbenturismong militar.

Sinubukan nitong supilin ang mga panawagan sa pamamagitan ng pagsabotahe sa protesta sa Luneta at paglalagay ng mga barrier sa Recto at Mendiola. Nilalantad ng pagmamalabis sa seguridad sa paligid ng Malacañang ang mapanlinlang na mukha ng gobyerno na nagsasabing ipinagtatanggol daw nito ang karapatan ng mamamayan na magprotesta sa isang banda, samantalang nagpapataw ng mga labis na hakbang na naglalayong pigilin ang mga protesta at patahimikin ang mga tumututol.

Sumisimbolo sa pagkapraning na ito at sa brutalidad ni Marcos Jr. ang absurdong pagtayo ng kalihim ng DILG, alter ego ng pangulo, sa ibabaw ng isang container van kasama ang hukbo ng kapulisan at ang patong-patong na mga barbed wire na nakakabit sa mga konkretong barrier para pigilan ang pagmartsa ng mga tao patungong Mendiola at Malacañang.

Sinasalamin ng malawakang mga pambansang protesta noong Setyembre 21 at Nobyembre 30, na inorganisa sa loob lamang ng dalawang buwan ang nagpapatuloy na sigaw ng bayan para sa katotohanan, pananagutan, katarungan, at pagbabagong pansistema.

Sa kabila ng katawa-tawang pagpapanggap ng Malacañang na kaisa ito ng mga protesta laban sa korupsiyon, lantad sa mga tao ang mga kasinungalingan at pakikipagsabuwatan ng administrasyong Marcos Jr. Inaasahan ang pagkakaroon ng mas marami pang protesta sa mga susunod na araw at linggo habang patuloy na isinusulong ang panawagang maging mapagmatyag sa bicameral budget session at sa pagpapasa ng pambansang badyet para sa taong 2026. Patuloy nating isusulong ang pag-usig sa mga matataas na opisyal na sangkot sa katiwalian sa imprastraktura. Patuloy nating ginigiit na panagutin si Marcos sa mga ginawa nitong budget insertion, sa pagpapatupad ng mga proyektong pork barrel, at sa paglustay sa mahigit 55 bilyong piso sa mga kickback mula sa pondong pampubliko.

Kailangang bumaba mula sa kaniyang puwesto si Marcos para magbigay-daan sa isang malaya at masusing imbestigasyon laban sa korapsyon, at harapin ang pananagutan sa kanyang mga krimen laban sa mamamayang Pilipino. Ngunit hindi siya dapat palitan ni Sara Duterte na dapat ding managot sa malawakang korapsyon, pag-abuso sa kanyang opisina, at sa kanyang papel sa extrajudicial killings at mga krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng mamamatay-taong rehimen ng kanyang ama, ang dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nararapat tanggalin sa puwesto sina Marcos, Duterte, at lahat ng sangkot sa malawakang korapsyon sa bansa. Ngunit ang tungkulin ng pagpapanagot sa mga burukrata kapitalistang ito ay hindi magagawa sa ilalim ng kasalukuyang sistemang nagpapanatili ng malawakang korapsyon at kawalang parusa para sa mga may sala. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng isang civilian-initiated Transition Council matapos ang pagpapatalsik o pagbibitiw ni Marcos Jr. at Duterte.

Pinapaabot ng Bayan ang pakikiisa nito sa lahat ng mamamayang bumuhos sa lansangan sa buong bansa sa mga protesta noong Nobyembre 30, Araw ni Bonifacio. Ipagpatuloy natin ang hindi natapos na pakikibaka ni Bonifacio at ng Katipunan sa pamamagitan ng paglaban para sa tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bansa.

Lahat ng sangkot, dapat managot!
Marcos, Duterte patalsikin!

Categories: Statements

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *