Mensahe ng Pasasalamat ng Bayan
2025: Isa na namang taon ng pakikipag-kapit-bisig sa mamamayan. Mula Enero, sa laban para sa impeachment ni Sara Duterte na lumustay ng pera ng bayan, hanggang Disyembre, sa laban kontra korapsyon kaugnay ng kinurakot na pera sa anyo ng flood control projects, at sa pork barrel system na nanatili sa inihaing 2026 budget, malinaw ang panawagan ng Bayan: Burukrata Kapitalismo, Ibagsak!
Iniugnay rin natin ang sistema ng burukrata kapitalismo sa imperyalismo, laluna sa pagpayag ng rehimeng Marcos sa dagdag na mga gamit panggera tulad ng typhon missiles at halos araw-araw na military exercises sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Samantala, mas inasikaso ng pamahalaan ang interes ng dayuhan tulad ng zero tariff para sa produkto ng US, habang ang panawagan ng magbubukid para sariling produksyon sa pagkain at pagkaroon ng lupa ay hindi pinakikinggan. Katuwang tayo sa pagbigay tulong sa mga nasalanta ng bagyo at lindol, at sa paggiit ng kompensasyon para sa mga pamilya at komunidad na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabangon.

Kasama ang mga organisasyong nagtatanggol sa mga karapatang pantao, ipinagdiwang natin ang pagdakip ng ICC kay Duterte, kasunod ang pagkulong at paglitis sa kanya. Samantala, patuloy nating inilalantad at nilalabanan ang militarisasyon sa bayan: ang pambobomba ng mga komunidad sa Bikol, Kordilyera, Cagayan, Negros, Mindoro at Mindanao, sa gitna ng paghahasik ng lagim at mga kasinungalingan ng NTF-ELCAC.
Nakiisa tayo sa pandaigdigang pagkakapit-bisig para itigil ang ginagawang henosidyo ng Israel sa Palestina, at sa pagbatikos kay Trump sa bantang gyera nito sa Venezuela.
Sa lahat ng ito, lubos ang pasasalamat ng Bayan—na nagdiwang ng ika-40 taon niya—sa mga organisasyon, institusyon at indibidwal na nakiisa sa ating mga adhikain at sa pagbigay ng iba’t-ibang anyo ng suporta. Maraming, maraming salamat at mabuhay kayo!
Tiyakin natin na ang 2026 ay maging isang bagong taon ng paniningil, pagkaroon ng hustisya at pagwakas sa kawalang pananagutan!
Tuloy ang laban!
0 Comments