PANAWAGAN NG BAYAN: IBASURA ANG 2026 BADYET NA NAMIMINTOG SA PORK BARREL INSERTIONS
Kinokondena ng Bagong Alyansang Makabayan ang panlilinlang ng gobyerno ni Marcos Jr. na sinasabing laban ito diumano sa korapsyon pero sa kabilang banda’y sinusulong sa 2026 badyet ang mga proyektong pork barrel sa pamamagitan ng “allocables” sa mga mambabatas, napakalaking mga “unprogrammed appropriations”, at lumolobong alokasyon para sa confidential at intelligence funds ng tanggapan ng pangulo.
Aktibong pinagtatakpan ni Marcos Jr. ang kanyang pagkakasangkot sa iskandalo sa flood control habang binubunyag naman ng kanyang badyet para sa 2026 ang hungkag na retorika nito laban sa korapsyon. Nanatiling nakabaon ang pork barrel sa burukrasya sa pamamagitan ng kahina-hinalang “allocables” para sa mga mambabatas. Pinanatili rin ni Marcos ang kontrol sa mga lump sum item, CIF, at mga hindi nakaprogramang paglalaan. Samantala, sa kabila ng dokumentadong katiwalian sa paggamit ng pondong pampubliko na kinasasangkutan ng tanggapan nito, walang pag-aalinlangang ibinalik ng Senado ang badyet ni Bise Presidente Sara Duterte.

Para sa Bayan, walang silbi ang plano na i-livestream ang mga paglilitis ng Bicameral Conference dahil madali lamang itong lusutan sa pamamagitan ng pagpapatawag ng mga executive sessions. Maaari ring maisagawa ang mga budget insertion sa pamamagitan ng pagsasabwatan ng Kongreso at ng Malacañang. Dahil rito, kailangang irehistro ang protesta sa palabas na mga sesyon ng Bicameral Conference at labanan ang pagpapasa sa 2026 badyet na inaasahang lalagdaan ni Marcos Jr. ngayong buwan.
Matapos ang malawakang mga protesta laban sa korapsyon sa buong bansa noong Nobyembre 30, nananatili ang pangangailangan para panagutin ang gobyerno ni Marcos Jr. sa pagpapatupad nito ng mga proyekto sa pork barrel, mga maanomalyang insertion sa badyet at pamamahagi ng kickback. Malinaw na inutil ang ICI at lantad na ang tunay nitong layunin ay protektahan ang pangulo mula sa imbestigasyon.
Panawagan ng Bayan sa mamamayan na ipagpatuloy ang paggiit sa pananagutan ng gobyerno ni Marcos Jr. habang nagpapatuloy sa pag-oorganisa ng mas marami pang protesta para hilingin ang pagtanggal sa pwesto kina Marcos, Duterte at sa lahat ng opisyal na sangkot sa sistematikong korapsyon.
0 Comments