Para sa #HumanRightsDay
Talumpati ni Teddy Casiño
Mula sa Bagong Alyansang Makabayan, isang makabuluhang araw ng karapatang pantao sa inyong lahat!
Sa araw na ito, ipinapaalala natin sa ating sarili at sa buong bayan na ang karapatang pantao ay hindi isang regalo ng estado kundi likas na bahagi ng ating pagkatao. Ang ating mga karapatan ay inalienable kung tawagin sa Ingles, ibig sabihin, bahagi natin, hindi pwedeng sagkaan, bawasan o alisin ninuman. Kaya ganun na lang tayo kasidhi sa pagtatanggol at paglaban ng ating mga karapatan.
Kasama sa mga karapatang ito ang isang mahalaga ngunit madalas ikinakatakot na banggitin: ang karapatan nating mamamayan na maghimagsik kapag ang estado mismo ang lumalabag sa ating karapatan.

Kapag ang gobyernong dapat naglilingkod sa atin ay siya mismong nagpapahirap sa atin, nagnanakaw ng bilyun-bilyon sa kaban ng bayan, sumasakal sa ating kalayaan, at dinadahas ang sinumang kumakalampag para sa katotohanan at katarungan, hindi ba’t tungkulin natin na manindigan at umaklas? Kapag ang ating mga karapatan ay binabalewala, kapag ang ating dignidad ay tinatapakan, at kapag ang mga institusyon ay ginagamit bilang sandata ng iilan laban sa karamihan – ang pinakamataas na tungkulin ng mamamayan ay lumaban, ipagtanggol ang sarili, ang bayan, at ang kinabukasan natin at ng ating mga anak.
Malinaw sa ating kasaysayan: karapatan at tungkulin natin na ibagsak ang anumang mapanupil, korap, at marahas na gobyerno. Hindi po ito paghahasik ng kaguluhan. Hindi ito paninira lamang. Ito ay pagwawasto ng mga kamalian sa lipunan. Ito ay pagbangon sa dangal ng taumbayan. Ang paglaban sa tiraniya ay bahagi ng lahat ng matagumpay na pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan, mula sa Himagsikan ng 1896 hanggang sa mga pag-aalsang EDSA at sa lahat ng laban na isinusulong natin para baguhin ang bulok na sistema.
At ngayon, muli tayong parating sa panahon ng himagsikan. Ready na ba kayo? Handa na ba kayong umaklas?
Sa harap ng talamak na pandarambong sa kaban ng bayan, malaganap na karahasan at pang-aabuso, at hayagang pagyurak sa ating mga karapatan ng kasalukuyang gobyerno, malinaw ang panawagan ng panahon: wakasan na ang rehimeng US-Marcos! Patalsikin si Bongbong at si Sara!
Ang panawagan para alisin sa pwesto ang mga Marcos at Duterte ay hindi kapritso. Ito ay makatarungan, makatuwiran, at nakaugat sa ating karapatan bilang sambayanan. Bahagi ito ng ating pagsisikap na itayo ang isang gobyernong malinis, demokratiko, makatao, at may totoong paggalang sa karapatan ng bawat Pilipino. Isang gobyerno ng taumbayan, hindi ng iilan lamang.
Mga kasama, mga kababayan, ito ang tunay na diwa ng Human Rights Day: ang pagpapaalala na wala tayong ibang sandigan kundi ang sama-sama nating pagkilos para makamit ang ating mga karapatan. Kapag ang estado ang lumalabag sa ating karapatan, tayong mamamayan ang huling sandata ng demokrasya.
Kaya’t magpakatatag tayo, magkaisa, at kumilos para sa karapatang pantao! Maghanda, magkaisa at makibaka para sa pambansang demokrasya!
Mabuhay ang ating pakikibaka! Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
0 Comments