CLEMENCY PARA KAY MARY JANE VELOSO

Nitong mga nakaraang araw, napabalita ang pagbibigay ng clemency at pag-uwi sa Pilipinas ni Mary Jane Veloso matapos ang 14 na taong pagkakakulong sa Indonesia. Ang kanyang paglaya at pag-uwi mula pagkakakulong sa Indonesia ay patunay hindi lamang sa tatag ng mga Pilipino sa harap ng napakahirap at matagal na laban, kundi maging sa lakas ng kolektibo at sama-samang pagkilos ng mamamayan.

Repleksyon ng Filipino Diaspora

Ipinapakita ng kaso ni Mary Jane Veloso ang madilim na kalagayang hinaharap ng milyun-milyong OFW – ang pakikipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa kawalan ng oportunidad at trabaho dito sa Pilipinas, at ang pagka-bulnerable sa kalagayang malayo sa pamilya at paninirahan sa bagong lugar.

May be an image of 7 people, crowd and text

Ang kalagayang hinarap ni Veloso ay hindi kakaiba o pambihirang pagkakataon. Ito ay sintomas lamang ng isang systemic na isyu – ang lumalalang krisis pang-ekonomiya sa Pilipinas. Handang harapin ng mga OFW ang mga pangamba, ang pagkawalay sa mga minamahal sa buhay, at maging ang kawalang-kaseguruhan sa dadatnan sa ibang bansa para lamang sa pag-asang maiangat mula sa kahirapan ang kanilang pamilya.

Matatag na Suporta ng Mamamayan

Kahit na ibinaba na noon ang husga ng kamatayan kay Mary Jane Veloso, itinuloy pa din ng mga indibidwal, people’s organizations, at mga advocacy groups ang pagbuo ng mga pagkakaisa at network dito sa Pilipinas at sa ibang bansa. Nagtulong-tulong ang lahat para bigyang pokus ang kanyang kaso at ipakita sa buong daigdig na si Veloso ay biktima ng human trafficking at hindi isang kriminal.

Nagbunga ang sama-samang pagsisikap at kolektibong pagkilos ng mamamayan at napigilan ang pagbitay kay Mary Jane Veloso. Mula sa tagumpay na ito, tinuloy ng mga grupo tulad ng Migrante International, NUPL, at church-based groups tulad ng Task Force Save Mary Jane ang mga pagsisikap para sa kaso niya. Naglunsad ng mga petisyon para sa kanyang paglaya, nagtulak na kilalanin ang kaso ni Veloso bilang halimbawa ng human trafficking, at itinulak na gamitin ang kanyang salaysay para idiin ang mga recruiter na nanloko sa kanya.

Ang Ating Tuloy-tuloy na Panawagan

Matapos ang lahat ng mga kolektibong pagsisikap na ito, ngayong taon ay pumayag na ang gobyerno ng Indonesia na ilipat sa Pilipinas si Mary Jane Veloso. Kung kayat malinaw ang kailangan natin gawin. Ituloy natin ang ating sama-sama at kolektibong pagkilos upang manawagan na gawaran na ng clemency si Mary Jane Veloso, bigyan siya ng hustisya, at ikulong ang mga human traffickers na nagtulak sa kanya sa kapahamakan. Bigyang pansin din ang kalagayan ng mga migranteng Pilipino na nasa piitan at kumakaharap ng mga legal na usapin. Higit pa dito, ipanawagan natin na seryosong harapin ng gobyerno ang pagpapaunlad ng buhay nating mga Pilipino, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng disenteng trabaho na nakabubuhay ng pamilya, at maayos na serbisyong publiko.
Upang wala nang kasunod na Mary Jane Veloso sa darating na panahon.

Categories: Statements

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *